Pilot testing ng face-to-face classes, tuloy na tuloy na
ni Ryan Sison - @Boses | October 07, 2021
Sa gitna ng patuloy na laban kontra pandemya, tuloy din ang ilang kagawaran ng gobyerno sa pagtugon sa ilang panawagan ng ating mga kababayan, partikular sa isyu ng edukasyon.
Matapos aprubahan ang limitadong face-to-face classes sa mga lugar na low-risk sa COVID-19, sisimulan na ng Department of Education (DepEd) ang pilot testing ng limited face-to-face classes sa Nobyembre 15.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, 59 public schools ang pumasa sa ginawang risk assessment ng Department of Health (DOH) para sa pilot test.
Gagawin naman ang lingguhang ‘rolling assessment’ para tumaas ang bilang ng mga paaralang isasalang sa limitadong face-to-face classes.
Tuloy na tuloy na nga ang pagbabalik-eskuwela ng ilang mag-aaral, pero kasabay ng pagsisimula ng pilot testing, may ilang hiling ang mga guro at magulang sa kagawaran ng edukasyon at kalusugan. Nariyan ang seguridad ng mga estudyante at guro. Gayundin, tiyaking matutugunan sa face-to-face classes ang mga isyung hindi nabigyang-pansin sa distance learning.
At magkakaiba man ito sa nakasanayang face-to-face classes, ibig sabihin ay panibagong adjustment para sa lahat. Kaya tiyaking handa ang mga bata sa lahat ng pagbabagong ito at ipaunawa na kailangan pa ring sumunod sa mga protocols na ipinatutupad.
Gayundin, hindi naman sa pagiging nega, pero siyempre, hindi nawawala ang posibilidad ng hawahan kaya sana lang ay may plano rin tayo kung paano maipagagamot at paano ang gastusin sa magkakasakit.
‘Ika nga, maraming puwedeng mangyari at kailangang paghandaan, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, siguraduhing may kaukulang aksiyon tayo para rito.
Mabuti nang maging handa tayo ngayon kaysa nga-nga pagdating ng panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments