top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Phl Women's Vs. Chile sa FIFA Friendly next week

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 31, 2022
  • 2 min read

Updated: Nov 1, 2022

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 31, 2022



Maghaharap ang Philippine Women’s Football National Team at Chile sa dalawang FIFA Friendly ngayong Nob. 12 at 15. Inihahanda pa ang magiging palaruan at ang mga laro na ito ay bahagi ng paghahanda ng dalawang bansa para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa New Zealand at Australia sa susunod na Hulyo.


Pasok na ang Filipinas sa World Cup subalit kailangan dumaan ang Chile sa Inter-Confederation Playoff sa Pebrero. Hihintayin ng Chile ang magwawagi sa tapatan ng Haiti at Cameroon para sa isa sa huling tatlong upuan.


Nabunot ang Filipinas sa Grupo A kasama ang co-host New Zealand, dating kampeon Norway at Switzerland. Kung papalarin, ilalagay ang Chile sa Grupo D kasama ang Inglatera, Denmark at Tsina.


Nagbigay ng patikim si Philippine Football Federation (PFF) General Secretary Atty. Edwin Gastanes sa huling Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum noong Oktubre 24 na ang makakalaro ay galing Timog Amerika at naging bahagi ng 2020 Tokyo Olympics. Tanging ang Brazil at Chile ang kumatawan sa kontinente.


Pagkatapos ng mga friendly kontra Chile ay magkakaroon ng iba pang laro sa mga darating na FIFA Window sa Pebrero 13 hanggang 22, Abril 3 hanggang 11 at Hulyo 10 hanggang 18 bago ang unang laro ng Filipinas laban Switzerland sa Hulyo 21. Nandiyan din ang 32nd Southeast Asian Games Cambodia mula Mayo 5 hanggang 17 kung saan layunin ng Filipinas na higitan ang tanso nila sa 31st SEAG Vietnam.


Samantala, asahan na lalong bibilis ang pag-usbong ng Women’s Football sa Pilipinas sa pagbubukas ng PFF Women’s Cup ngayong Nobyembre 5 sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Walong koponan ang nakatakdang maglaro sa pangunguna ng Kaya FC Iloilo na kagagaling sa kampeonato sa Women’s Football Championship sa Singapore.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page