Phl Women's sa Group A ng FIFA World Cup; Kaya FC champ sa Singapore
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 24, 2022

Nabunot ang Philippine Women’s Football National Team sa Grupo A ng 2023 FIFA Women’s World Cup matapos ang opisyal na seremonya noong Sabado ng hapon sa Auckland, New Zealand. Makakasama ng Filipinas sa grupo ang host New Zealand, dating kampeon Norway at Switzerland.
Dahil nasa Grupo A, lahat ng tatlong laro ng Filipinas ay gaganapin sa New Zealand at makalalaro lang sila sa Australia kung papalarin at makakapasok sa finals. Unang haharapin ang Switzerland sa Hulyo 21 sa Dunedin Stadium ng Dunedin.
Susundan ito ng laban sa New Zealand sa Hulyo 25 sa Wellington Regional Stadium sa kabisera ng New Zealand. Matatandaan na nagharap sa FIFA Friendly ang dalawang bansa noong Setyembre kung saan naitakas ng New Zealand ang 2-1 panalo.
Magwawakas ang asignatura ng Filipinas kontra Norway sa Hulyo 30 sa Eden Park ng Auckland. Nag-reyna ang Norway sa pangalawang edisyon ng Women’s World Cup noong 1995.
Nasa Grupo B ang co-host Australia, Ireland, Nigeria at 2020 Tokyo Olympics gold medalist Canada. Napunta sa Grupo C ang Espanya, Costa Rica, Zambia at Japan habang magkasama Grupo D ang Inglatera, Denmark, Tsina at ang mananalo sa playoff sa pagitan ng Chile, Haiti at Senegal.
Samantala, kampeon ang Kaya FC Iloilo sa Women’s Football Championship na natapos Biyernes ng gabi sa German European School ng Singapore. Winalis ng Kaya ang lahat ng tatlo nilang laro kontra host Lion City Sailors ng Singapore (3-1), Phranakorn ng Thailand (6-0) at Persib Bandung ng Indonesia (8-0).
Nakamit ni Alisha del Campo ang Golden Boot matapos siyang sumipa ang anim na goal sa torneo. Sumipa ng magkasunod na hat trick o tatlong goal ang national player laban sa Pharanakorn at Persib Bandung.
Maliban kay del Campo, naglaro sa Kaya ang mga kasalukuyang kasapi ng Filipinas na sina Hali Long, Inna Palacios at Anicka Castaneda. Binubuo ang Kaya ng mga iba pang mga manlalaro galing UAAP at si Marnelli “Let” Dimzon ang head coach.





Comments