PHL Women's Football, babanat VS. South Korea
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 03, 2022

Walang imposible at sisikapin ng Philippine Women’s National Football Team na makapasok sa finals ng 2022 AFC Women’s Asian Cup India kontra Timog Korea ngayon sa Shree Shiv Chatrapati Sports Complex sa Pune simula 4:00 ng hapon (oras sa Pilipinas). Matapos makapasok sa 2023 FIFA Women’s World Cup, isang bagong kasaysayan ang hahanapin ng mga pinakabagong bayani ng Philippine sports.
Kasalukuyang #18 ang mga Koreana sa FIFA World Ranking subalit pinatunayan ng #64 Pinay na kaya nilang talunin ang mga bigatin tulad ng #38 Thailand sa group stage at #39 Chinese-Taipei sa quarterfinals. Huling nagtagpo ang dalawang bansa noong 2018 Asian Cup sa Jordan kung saan nagwagi ang Korea, 5-0, para makamit ang ika-lima at huling tiket patungong 2019 World Cup sa Pransiya.
Sina kapitana Tahnai Annis, Hali Long, Ryley Bugay, Sara Castaneda, Quinley Quezada, Jessica Miclat, Sarina Bolden, Cam Rodriguez, Morgan Brown at Inna Palacios ang mga nagbabalik na kasapi ng koponan noong 2018 at tiyak gusto nilang makabawi. Marami nang makakatulong sa kanila tulad nina Eva Madarang, Katrina Guillou, Dominique Randle, Malea Cesar at magkapatid na Chandler at Olivia McDaniel na lumitaw ang husay sa kasalukuyang torneo.
Tututukan ng depensa si Ji So Yun na gumawa ng nag-iisang goal na nagpauwi sa paboritong Australia sa quarterfinals at may pangkalahatang apat sa torneo. Nasa listahan din ng Korea sina Cho So Hyun, Jang Sel Gi, Lee Min A at Lim Seon Joo na responsable para sa limang goal kontra sa Pilipinas noong 2018.
Nagpahinga lang ng isang araw ang koponan matapos magka-tiket sa World Cup at bumalik agad sa ensayo. Kahit ano ang maging resulta, ito na ang pinakamataas na naabot ng mga Pinay habang nais ng mga Koreana na higitan ang nag-iisang 3rd place noong 2003 sa Thailand.
Maglalaro sa kabilang semis ang defending champion Japan at Tsina simula 10:00 ng gabi sa parehong palaruan. Ang finals ay gaganapin sa Pebrero 6 (Linggo) sa DY Patil Stadium sa Navi Mumbai.
Ang Tsina ang may pinakaraming Asian Cup na walo (1986-1999 at 2006). Tig-tatlo ang napagwagian ng Chinese-Taipei (1977-1981) at Hilagang Korea (2001-2003 at 2008) habang kampeon ang Japan sa huling dalawang edisyon ng torneo noong 2014 at 2018.





Comments