Phl Women's Booters, umiskor uli vs. New Guinea
- BULGAR
- Dec 17, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 17, 2022

Tinuldukan ng Philippine Women’s Football National Team ang hindi makakalimutang 2022 sa 9-0 pagdurog sa Papua New Guinea sa kanilang FIFA Friendly Huwebes ng gabi sa Wanderers Park ng Sydney, Australia. Isang malakas na simula na tinapos ni Quinley Quezada ang susi para sa ikalawang sunod na panalo sa mas mataas na Lakatois na #51 sa FIFA Ranking kumpara sa #53 Filipinas.
Agad nagtrabaho sa first half sina Sara Eggesvik at Katrina Guillou para sa goals sa ika-10 at ika-24 minuto. Kasisimula pa lang ng second half ay bumanat ng dalawa pang goal sina Jessika Cowart sa ika-46 at kapitana Tahnai Annis sa ika-53 upang madoble ang lamang.
Aksidenteng naipasok ni Isabella Natera ng PNG ang bola sa sariling goal upang gawing 5-0 sa ika-55 minuto. Mula roon ay uminit si Quezada para sa bihirang hat trick o tatlong goal (65’, 85’ at 87’) na siningitan ng isang penalty kick ni Guillou para sa kanyang pangalawang goal sa ika-72 minuto.
Ang susunod na FIFA Friendly ay nakatakda para sa Pebrero 13 hanggang 22, 2023. Plano ng Philippine Football Federation (PFF) na magdaos ng torneo sa New Clark City kasama ang dalawang iba pang bansa na kalahok sa Women’s World Cup.
Samantala, tumanggap ng mapait na 1-0 talo ang Philippine Men’s Team sa kanilang FIFA Friendly kontra Vietnam noong Miyerkules sa Hang Day Stadium ng Hanoi. Patungo na ang Azkals sa tabla kontra sa AFF Mitsubishi Electic Cup defending champion subalit nalusot ni Nguyen Van Quyet ang bola sa ika-92 minuto.





Comments