Phl Women Booters wagi vs. Tajikistan sa Asian Q'Fiers
- BULGAR
- Apr 10, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 10, 2023

Laro ngayong Martes – Hisor Central Stadium, Tajikistan
7:00 PM Hong Kong vs. Pilipinas
Umani ng higanteng panalo ang Philippine Women’s Football National Team sa host Tajikistan, 8-0, sa pagpapatuloy ng Paris 2024 Olympics Asian Qualifiers Round One noong Sabado ng gabi sa Hisor Central Stadium. Sisikapin na ng Filipinas na siguraduhin ang kanilang pagpasok sa Round Two sa tapatan ngayong Martes kontra Hong Kong sa parehong palaruan simula 7 p.m. oras sa Pilipinas.
Umarangkada ang Pinay sa first half, 6-0, at anim na magkaibang manlalaro ng nagtala ng goal na sina Sofia Harrison (26’), kapitana Tahnai Annis (28’), Carleigh Frilles (31’), Quinley Quezada (35’), Meryl Serrano (38’) at Maya Alcantara (45+3’). Pumasok ang reserbang si Chandler McDaniel sa simula ng second half at tinuldukan ang dominasyon ng Filipinas sa dalawang goal sa ika-60 at ika-89 minuto.
Ang tagumpay sa mga Tajik ay kasunod ng 4-0 pagdurog ng mga Pinay sa Pakistan noong Miyerkules upang buksan ang torneo. Naghatid ng mga goal sina Hali Long (22’), Sarina Bolden (26’), Eva Madarang (29') at McDaniel (85’).
Si goalkeeper Kiara Fontanilla ang itinalaga sa parehong laban at dalawa na rin ang kanyang clean sheet o walang pinalusot na bola. Malaking bagay ang tatlong goal para kay McDaniel sa kanyang pagbalik-laro matapos mapilayan ng tuhod noong AFC Women’s Asian Cup semis kontra Timog Korea noong Pebrero 3, 2022.
Samantala, nabunot ang Filipinas sa Grupo A ng 32nd Southeast Asian Games kasama ang defending champion Vietnam, semifinalist Myanmar at Malaysia. Kasama dapat ang Indonesia subalit biglang umatras ang bansa ilang oras matapos an gopisyal na seremonya sa Morodok Techo Stadium noong Miyerkules.
Nasa Grupo B ang Thailand, Singapore, Laos at host Cambodia. Magsisimula ang Women’s Football sa Mayo 3.





Comments