top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Phl Booters, panalo kontra New Guinea sa FIFA Friendly

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 13, 2022
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 13, 2022



Nagpamalas ng matinding opensa ang Philippine Women’s Football National Team sa kanilang 5-1 tagumpay kontra Papua New Guinea sa FIFA Friendly noong Linggo mula sa Wanderers Football Park ng Sydney, Australia. Maghaharap muli ang dalawang bansa ngayong Huwebes.


Humataw ang Filipinas, 2-0, salamat sa goal nina Carleigh Frilles (29’) at kapitana Tahnai Annis (38’) sa first half. Nakabawi ng isang goal ang PNG sa ika-54 minuto buhat kay Calista Maneo subalit ibinalik agad ni Eva Madarang sa dalawa ang lamang sa ika-55 minuto at nagsunuran ang isa pang goal ni Frilles (60’) at reserba Meryll Serrano (77’).


Ang PNG ang kasalukuyang kampeon ng Oceania Football Confederation (OFC) at ika-51 sa FIFA World Ranking, mas mataas ng dalawang baytang sa Filipinas na ika-53.


Sisikapin ng PNG na makuha ang isa sa tatlong nalalabing upuan sa FIFA Women’s World Cup Inter-Confederation Playoffs sa Pebrero at samahan ang Filipinas.

Bilang paghahanda para sa World Cup, napili ng Filipinas ang Auckland, New Zealand na maging tahanan nila sa torneo. Lalakbay sila ng Dunedin para sa unang tapatan sa Switzerland sa Hulyo 21 at kabisera na Wellington para sa laban sa host New Zealand sa Hulyo 25 bago “umuwi” ng Auckland para sa ikatlong laro kontra sa Norway sa Hulyo 30.


Samantala, maghaharap ang mga Far Eastern University at University of the Philippines para sa 2022 Philippine Football Federation (PFF) Women’s Cup matapos ang magkaibang panalo sa semifinals noong Linggo ng gabi sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Paglalabanan ng Lady Tamaraws at Lady Fighting Maroons ang titulo sa Disyembre 17 sa parehong palaruan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page