top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Phl Azkals, sasabak sa Thai league One

BULGAR
Sep 3, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 03, 2021



Patuloy ang pakikipagsapalaran ng Pinoy professional athlete bilang bago at kakaibang uri ng Overseas Filipino Worker (OFW). Isang dosenang mga kasalukuyan at dating kasapi ng Philippine Azkals Men's Football National Team ang nakapirma ng kontrata sa walo ng 16 koponan ng 2021-2022 Thai League One na magsisimula ngayong araw ng Biyernes.

Pinangungunahan ang listahan ni Kevin Ingreso ng defending champion BG Pathum United. Naglaro agad si Ingreso sa 1-0 tagumpay ng BG kontra Chiangrai United noong isang Miyerkules upang makuha ang 2021 Thailand Champions Cup, ang unang tropeo ng bagong taon.

Ang pinakabagong dumating sa Thailand ay si goalkeeper Bernd Schipmann na maglalaro sa Ratchaburi Mitr Phol kasama si Luke Woodland. Hindi na nila makakasama si Javier Patino na lumipat sa Port.

Tatlong Pinoy ang nasa Suphanburi na sina Patrick Reichelt at goalkeeper Patrick Deyto kasama si Daisuke Sato na lumipat galing Muangthong United. Dapat ay 13 ang listahan ng mga kababayan subalit nakalista ang dating kakampi ni Sato sa Muangthong na si Jesse Curran bilang isang taga-Australia.

Maglalaro sina Amani Aguinaldo at Iaian Ramsay para sa bagong koponan na Nongbua Pitchaya na inangat mula sa Thai League Two. Kinuha ng isa pang bagong angat na koponan na Khonkaen United si Joshua Grommen galing Sukhothai na ibinaba sa Thai League Two.

Ang iba pang mga Filipino ay sina goalkeeper Michael Falkesgaard ng Bangkok United at Dennis Villanueva ng Nakhon Ratchasima. Maaring kumuha ng hanggang anim na banyaga ang bawat koponan subalit dapat ay may isang taga-Asya at tatlong galingTimog Silangang Asya.

Samantala, hindi magpapahuli ang Philippine Malditas at maglalaro na sina Sarina Bolden at Quinley Quezada sa bagong-tatag na WE League sa Japan na magbubukas sa Setyembre 12. Nakapirma na si Bolden sa Chifure AS Elfen Saitama habang si Quezada ay kasama sa JEF United Chiba.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page