PHL Azkals, giniba ang Guam sa FIFA at AFC Cup Qualifiers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 13, 2021

Nakabawi ng malaki ang Philippine Azkals at naitala nila ang 3-0 na panalo kontra Guam sa pagpapatuloy ng pinagsabay na qualifiers para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup sa Sharjah Stadium Biyernes ng gabi sa Sharjah Stadium ng United Arab Emirates. Nagbunga ang magandang kombinasyon ng mga beterano at baguhan upang manatili sa ikatlong puwesto sa Grupo A na may 10 puntos buhat sa tatlong panalo, isang tabla at tatlong talo.
Maaga pa lang ay agresibo ang mga Pinoy at eksakto ang pasa ng 19 anyos na si Oliver Bias sa tumatakbong 36-anyos na si Angel Guirado para sa unang goal 12 minuto ang nakakalipas. Patuloy ang atake sa goal ng Guam subalit nanatili ang iskor sa 1-0 pagsapit ng halftime.
Dumoble ang lamang sa ika-60 minuto nang inulo pababa ni Mark Winhoffer ang bola pero dumaplis ito sa baywang ni Marcus Lopez ng Guam bago pumasok para sa isang own goal. Dalawang minuto pa lang ang linalaro ni Winhoffer, ang kapitan ng prestihiyosong Yale University sa NCAA ng U.S., matapos ipasok ni Coach Scott Cooper para palitan si Mike Ott.
Kahit komportable ang lamang, nagtrabaho pa rin ang Azkals at nabiyayaan sila ng ikatlong goal galing sa free kick ng isa pang reserba na si Mark Hartmann sa ika-88 minuto. Nalusot ni Hartmann ang bola sa gitna ng mga nagkumpulan na kakampi at kalaban at walang nagawa si Guam goalkeeper Dallas Jaye.
Kabaligtaran sa kanilang 2-0 na talo sa Tsina noong Martes, bihirang nasubukan si goalkeeper Bernd Schipmann at naitala niya ang kanyang unang clean sheet bilang Azkal Isa na lang ang nalalabing laro ng Azkals sa Maldives ngayong Martes sa Sharjah Stadium muli simula 10:00 ng gabi. Kahit may maliit na lang na pag-asa na tumuloy sa World Cup, mas masisigurado ng mga Pinoy ang pagpasok nila sa Round 3 patungong Asian Cup kung tatalunin nila ang Maldives.





Comments