top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Phl 12th place sa FIBA 3x3 Wuxi Challenger

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 24, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 24, 2023




Lumasap ng magkasunod na pagkabigo ang Manila Chooks upang magpaalam ng maaga sa FIBA3x3 Wuxi Challenger Sabado ng gabi sa Wuxi, Tsina. Nagtapos ng ika-12 ang mga Pinoy sa 14 kalahok na kinabibilangan ng mga bigatin mula sa lahat ng sulok ng mundo.


Unang natalo ang Chooks sa Beijing ng Tsina, 12-22, kung saan nagsabog ng 10 puntos ang import at Olympic gold medalist Karlis Lasmanis ng Latvia. Nagawang maitabla ng mga Pinoy ang laro ng dalawang beses - 2-2 at 4-4 - at mula roon ay walang nakapigil kay Lasmanis na muntik na pantayan ang buong puntos ng Manila.


Nagtala ng anim na puntos si Mark Jayven Tallo at apat kay import Marcus Hammonds. Dalawa ang ambag ni Dennis Santos.


Hindi talaga araw ng Chooks at yumuko sa Utrecht ng Netherlands, 17-21. Lumaban hanggang huli at nagbanta sa two-points ni Tallo na may 16 segundong nalalabi, 17-19.


Napilitan silang bigyan ng foul ang 7'0" higante Hieronymus van der List at agad niyang ipinasok ang dalawang free throw upang tapusin ng maaga ang laro.


Dominado ni van der List ang laro sa kanyang 13 puntos. Pitong puntos si Tallo, anim kay Santos at tig-dalawa sina Hammonds at Paul Desiderio.


Sunod na paghahandaan ng Chooks ang Yichang Challenger sa Agosto 5 sa Tsina pa rin. Ang mga magwawagi roon ay tutuloy sa Constanta Masters sa Romania sa Setyembre 9 at 10.


Samantala, halos kasabay ng Wuxi ginanap ang Bordeaux Challenger sa Pransiya na tutukoy ng tatlong makakalaro sa Cebu Masters sa Setyembre 23 at 24. Tutuloy sa Queen City of the South ang kampeon Paris ng Pransiya, pumangalawang Miami ng Estados Unidos at pumangatlong Ub Huishan NE ng Serbia at sasamahan nila ang mga maagang nakapasok na Vienna ng Austria at Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page