Phil team, sasabak sa FIBA 3x3 World Tour Montreal
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 31, 2021

Isang bagong anyong Philippine Team ang sasabak sa FIBA 3X3 World Tour Montreal Masters ngayong Setyembre 4 at 5 sa Canada. Maglalaro na ang beteranong si Mark Yee kasama ang mga nagbabalik na sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang at Dennis Santos na walang ibang layunin kundi bumawi at makapasok sa grand finals sa Jeddah, Saudi Arabia sa Disyembre.
Papalitan ni Yee ang kapwa beterano na si Chico Lanete. Ito ang pangalawang torneo ng Manila Chooks TM matapos ang kanilang ika-13 puwesto sa Doha Masters noong Marso habang naudlot ang kanilang paglahok sa Lipik Challenger noong Mayo bunga ng suliranin sa pagkuha ng bisa sa bansang Croatia.
Mabigat ang makakaharap ng mga Pinoy sa Montreal sa pangunguna ng Riga ng Latvia na nagwagi ng gintong medalya sa Tokyo 2020 Olympics. Ang iba pang kalahok ay ang Amsterdam ng Netherlands na kampeon sa Doha Masters, Ub ng Serbia, Antwerp ng Belgium, Princeton at Omaha 3Ball ng U.S., Lausanne Sport ng Switzerland, Raudondvaris Tauras ng Lithuania at Edmonton at Old Montreal ng punong abalang Canada habang ang ika-12 kalahok ay malalaman matapos ang isang torneo ng kasalukuyang ginaganap sa Winnipeg.
Pasok agad ang Manila Chooks TM sa main draw at hindi na kailangang dumaan ng qualifier tulad noong Doha Masters. Malalaman pa sa Setyembre 3 kung sino ang makakasama nila sa grupo. Inamin ni Coach Aldin Ayo na hanggang online training ang koponan dahil sa mga paghigpit ng pamahalaan. Pinag-aaralan nila ang mga video ng mga naunang laro ng kanilang mga makakalaro.
Daraan sa pagsusuri ang buong koponan sa Martes at lilipad sila patungong Canada sa Miyerkules. Mag-uuwi ng $40,000 (P1,995,200) ang kampeon.
Samantala, inihahanda na ang mga plano para sa pagbubukas ng bagong taon ng CTG Pilipinas 3X3, ang unang ligang propesyonal ng 3X3 sa bansa. Noong nakaraang taon, matagumpay na natapos ang 2020 President’s Cup sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna at kampeon ang Zamboanga na kinabibilangan nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Leonard Santillan at Troy Rike.





Comments