PFL: Kaya Iloilo, susubukin ng newly crowned United City

ni Anthony Servinio - @Sports | November 9, 2020

Karangalan ang itataya ngayong ika-limang araw ng 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways mula sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Ipapakita ng bagong tanghal na kampeon United City na karapat-dapat silang putungan ng korona sa pagharap nila sa karibal na Kaya Iloilo simula ng 8:00 p.m.
Kahit anong mangyari, hindi na mahihigitan o mapapantayan ang 12 puntos na nalikom ng UCFC mula sa kanilang apat na panalo kung saan nakagawa sila ng 24 na goal habang isang beses lang naka-goal ang mga kalaban. Kasalukuyang may 8 puntos ang Kaya buhat sa dalawang panalo at dalawang tabla at hanggang 11 puntos lang ang maaabot nila kung mananalo mamaya.
Subalit hindi pa tapos ang laban para sa Kaya at gagawin nila ang lahat para manatili sa 2nd place at makuha ang karapatan na samahan ang UCFC bilang mga kinatawan ng Pilipinas sa 2021 AFC Champions League. Sigurado na ang UCFC sa prestihiyosong torneo habang ang pangalawa ay daraan sa qualifier upang mabuo ang 40 koponan buhat sa lahat ng sulok ng Asya.
Bubuksan ang aksiyon sa 9:00 a.m. sa pagitan ng Stallion Laguna at Azkals Development Team. May pag-asa pang umangat sa 2nd place ang Azkals kung mananalo sila at matatalo ang Kaya subalit gagawin ang lahat ng mga beterano ng Stallion para magtagumpay sa mga bagito ng Azkals.
Maghaharap din ang Mendiola 1991 at Maharlika Manila sa 4:30 p.m. Ang pangunahing nais nila ay tuldukan sa positibong paraan ang kanilang torneo at bitbitin ito papasok sa susunod na taon.
Pagkatapos ng Lunes ay may isa pang nalalabing laro sa Huwebes sa pagitan ng Stallion at Mendiola 1991 simula 4:30 p.m.Lahat ng mga laro ng PFL ay mapapanood ng live sa kanilang opisyal na YouTube Channel at pahina sa Facebook kung saan maaaring balikan din ang mga nakaraang laro at panayam sa mga paboritong bituin ng liga.





Comments