PFL: FC Iloilo, inilampaso ang Mendiola, balik sa top spot
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 18, 2022

Nakabalik ang Kaya FC Iloilo sa tuktok ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways matapos ang walang-awang 7-0 paglampaso sa Mendiola FC 1991 Linggo ng gabi sa Imus Grandstand sa Cavite.
Nakatulong sa Kaya ang 3-3 tabla ng dating solong numero uno Dynamic Herb Cebu FC at defending champion United City FC noong Sabado sa Dynamic Herb-Borromeo Sports Complex sa Talisay City, Cebu.
Bumida sa Kaya si Robert Lopez Mendy na agad naka-goal sa pangalawang minuto at sinundan ng penalty kick sa ika-63 minuto matapos siyang patirin ni Alassane Wade. Ang iba pang naka-goal ay sina Audie Menzi (21’), Daizo Horikoshi (29’), Eric Giganto (55’), Ryo Fujii (67’) at reserba Jhan Melliza (84’) para sa pinakatambak na resulta sa nakalipas na tatlong buwan ng liga.
Kahit tabla ay puno ng aksiyon at drama ang salpukan ng Gentle Giants at United City at agad rumatrat ng dalawang goal si Ricardo Sendra sa pangalawa at pangatlong minuto. Hindi sumuko ang Cebu at isinagot ito ng mga goal nina Marius Kore (11’) at JB Borlongan (21’) upang itakda ang first half, 2-2.
Pumutok ang kontrobersiya bunga ng nagpalamang na goal ni Mert Altinoz ng Cebu sa ika-66 minuto at nagprotesta ang United City dahil dapat kusang itinigil ng Cebu ang laro ayon sa prinsipyo ng “fair play” dahil napahiga sa sakit si goalkeeper Anthony Pinthus kaya naiwang walang bantay ang goal. Matapos ang mahabang diskusyon ng mga koponan at opisyal, itinuloy ang laro at isinipa ni kapitan Mark Hartmann ng United City ang nagpatablang goal sa ika-78 minuto at hindi na nadagdagan ito.





Comments