PFF Women's Cup semis abangan sa Carmona
- BULGAR
- Dec 11, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 11, 2022

Sisipa ngayong Linggo ang semifinals ng 2022 Philippine Football Federation (PFF) Women’s Cup sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Haharapin ng numero unong Kaya FC Iloilo ang University of the Philippines sa 4 p.m. at susundan agad ng Tuloy FC laban sa Far Eastern University ng 7 p.m.
Sinimulan ng Kaya ang torneo sa 0-2 talo sa FEU noong Nob. 5 subalit mula roon ay winalis nila ang sumunod na anim na laro. Tinalo nila ang UP, 1-0, noong Nob. 23 at mabigat na paborito na ulitin ito.
Mainit ang simula ng FEU at wagi sa unang limang laban subalit naputol ito ng University of Santo Tomas, 1-0, noong Nobyembre 30. Sa huling araw ng group stage noong Dis. 3 ay binigo ng Tuloy ang Lady Tamaraws, 1-0, upang maagaw ang pangalawang puwesto at ganahan papasok sa kanilang pagkikita muli sa semifinals.
Tiyak na markado si Shelah Mae Cadag na may 15 goal para sa Kaya at tatapatan siya nina Alyssa Ube at Aurea Reaso ng Lady Fighting Maroons. Aabangan din ang pagalingan nina Dionesa Tolentin ng FEU at Louraine Evangelista at Jenny Perez ng Tuloy.
Samantala, may bagong head coach ang Philippine Men's Football National Team sa katauhan ni coach Josep Ferre. Kilala ang 39-anyos na Kastila sa kanyang palayaw na Coco, bitbit niya ang isang dekadang karanasan bilang coach sa mga club sa Espanya, Thailand, India, Hong Kong, Japan at Puerto Rico.
Bago ang torneo, haharapin ng Pilipinas ang Vietnam sa isang FIFA Friendly sa Disyembre 14 sa Hang Day Stadium ng Hanoi. Huling naglaro ang Azkals noong Hunyo sa qualifiers para sa 2023 AFC Asian Cup sa gabay ni Coach Thomas Dooley.








Comments