top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

PFF, ilalaan ang pondo para palakasin ang Football sa 2021

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 1, 2020
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 1, 2020





Pormal na inaprubahan ng Board of Governors ng Philippine Football Federation (PFF) ang pinakamalaking budget sa kasaysayan nito, P268-M para sa parating na 2021 matapos ang matagumpay nilang 17th Ordinary Congress na ginanap online noong Sabado, Nobyembre 28. Karamihan ng pondo ay ilalaan sa paglahok ng Philippine Azkals at Malditas at iba pang mga pambansang koponan sa kanilang mga torneo at tulong sa mga rehiyon at lalawigan upang ligtas na maibalik ang Football para sa lahat.


Ang budget ay inilahad ni Rep. Lawrence Fortun ng Agusan del Norte na Chairman ng PFF Finance Committee at ipinaliwanag ni PFF Secretary General Atty. Edwin Gastanes. Naghatid ng pambungad na talumpati si PFF President Mariano Araneta na nagsilbing ulat para sa mga naabot ng PFF sa 2020.


Ayon kay Araneta, maganda ang simula ng taon at natapos ng PFF ang Under-15 Championship para sa kabataang lalake at ang PFF Women’s League. Kahit nasira ang lahat ng mga plano bunga ng krisis sa kalusugan, ginawa ng PFF ang lahat ng kanilang makakaya.


Gamit ang bagong teknolohiya, tinuloy pa rin ang mga seminar at balik-aral para sa coach, reperi at mga opisyal. Nagbunga ang lahat ng hirap ng PFF at matagumpay na nairaos ang ika-apat na taon ng Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa National Training Center sa Carmona, Cavite balot ng mahigpit na health at safety protocol na inilatag ng pamahalaan.


Sa dalawang linggo na tinakbo ng PFL, pumatok ito ng todo sa social media kung saan tinatayang mahigit kalahating milyon ang bumisita sa pahina nito sa Facebook. Lampas 100,000 ang sumusunod sa kanilang YouTube Channel kung saan ipinalabas ng live ang lahat ng mga laro hanggang makoronahan ang United City bilang kampeon.


Malaking bagay sa tagumpay ng PFL ang pagkakaroon ng sariling palaruan na kinabitan na rin ng ilaw upang makalaro sa gabi. Magsisimula na rin ang pagtayo ng bagong opisina at gusali ng PFF sa isang 4,000-sqm na lote na malapit sa palaruan.


Pangunahin para sa Azkals sa 2021 ang kanilang kampanya sa pinagsabay na 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup China qualifiers sa Marso at ang naudlot na 2020 AFF Suzuki Cup sa Abril. Sasabak din ang Under-23 Azkals sa 31st Southeast Asian Games sa Nobyembre sa Vietnam.


Para sa Malditas, tututukan nila ang AFF Women’s Championship at SEA Games. May ilan ding nakatakdang mga palaro para sa kabataan na dapat ay ngayong 2020 ginanap.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page