top of page
Search
  • BULGAR

Persona non grata sa pinay nurse na nanlait sa mga pinoy nurses

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 20, 2021


Nanggagalaiti sa galit ang Pinoy nursing community sa iba’t ibang bahagi ng mundo na nakapanood sa inilabas na pagkukumpara kung bakit mas mahusay umano ang mga nurse sa Canada kumpara sa mga nurse na nagtapos sa Pilipinas.


Mabilis na kumalat sa Youtube ang ilang minutong pagdidetalye ng isang nagpakilalang Jackie G., R.N. Manager of Education Delivery Instructor, Post Graduate Diploma in Canadian Nursing ng Stenberg College ang malaking kalamangan at kahusayan umano ng Canadian nurse kumpara sa ating nurses.


Ang nakakarimarim ay Pinoy itong si Jackie G., na inaming sa Pilipinas siya mismo ay nagtapos at nagsanay, ngunit ginamit ito para laitin ang mga nurse na pilipino sa pagsabing alam niyang hindi masyado magagaling ang mga nurse na produkto ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa kumpara sa Canada.


Laman ng ilang minutong propaganda na inilabas ng Stenberg College sa Youtube ang paliwanag kung ano ang kaibahan ng registered nurse sa Canada, partikular ang mga nagtapos sa iniendorso niyang Stenberg College na higit umanong mas mataas ang kaalaman.


Una sa tinalakay nito ang tungkol sa Professional Communication na kesyo hindi umano sanay makipag-usap sa pasyente ang Pinoy nurses dahil masyadong umaasa sa mga doktor na sobra-sobra umano ang ipinakikita nilang respeto na halos hindi na rin nila kinakausap kaya kulang na kulang sila sa kumpiyansa.


Sa Skills and Assessment naman ay tanging sa kolehiyo lamang umano ito naengkuwentro ng mga Pinoy nurses, ngunit hindi nai-apply sa kanilang pagsasanay dahil hanggang tingin lamang umano sila sa chart dahil kasabay nila ang mga totoong nurse at doktor na silang gumagawa ng report kaya kulang na kulang sa kasanayan.


Kasunod na tinalakay ni Jackie G. ang Specialization kung saan ang mga Pinoy nurse umano ay kung saan-saan itinatalaga, tulad ng sa emergency room ng isang buwan at sa ibang departamento naman sa susunod na buwan kaya hindi nagiging mahusay sa isang larangan.


Isinunod nito ang tungkol sa Technology, na lubha umanong magkaibang-magkaiba ang mga machine na ginagamit sa mga ospital sa Canada kumpara sa Pilipinas na bukod sa kulang na kulang ay manu-mano pa.


Ipinaliwanag din nito ang tungkol sa Patient Communication na ang mga Pinoy nurse umano ay hindi man lamang kinakausap ang mga kaanak ng pasyente sakaling may ibibigay na gamot o tuturukan ng iniksiyon at hindi buo ang loob na tumutol sa doktor sakaling hindi na karapat-dapat ang ibinibigay na medikasyon ng doktor.


Pinakahuli sa ikinumpara ni Jackie ay ang National Clinical Assessment Service (NCAS) Assessment Preparation na puro ordinaryong manikin lamang umano ang pinagsasanayan kumpara sa kanila na high fidelity mannequins na kumpleto sa reaksiyon ng pasyente.


Napakarami pa ng kanyang tinalakay na kung iisa-isahin natin ay talagang parang napakawalang-kuwenta ng ating mga nurse na sobrang taliwas sa pagkilala ng buong mundo sa husay at kakayahan ng mga Pinoy nurse na unang hinahanap ng mga bansang nangangailangan ng nurses.


Kitang-kita rin kung paano gibain ng kababayan nating si Jackie ang kapwa niya Pinoy nurses para lamang i-promote ang kinabibilangan niyang Stenberg College na dahil sa kanyang posisyon ay minabuti niyang laitin ang bansang kanyang pinagmulan kung saan siya natuto hanggang sa makarating ng Canada.


Dahil sa ginawang ito ni Jackie ay nagulo ang mga Pinoy nurse sa buong mundo at lahat ay nagpadama ng galit sa social media at pinabubulaanan ang lahat ng pahayag ni Jackie na naging karanasan umano niya sa Pilipinas noong siya ay nag-aaral pa lamang ng B.S. Nursing sa hindi naman niyang binanggit na kolehiyo sa 'Pinas.


Kinuyog talaga si Jackie hindi lamang ng mga nurse kung hindi ng mga Pinoy na nasaktan din ng labis sa mga paninirang kanyang inilabas kaya maging ako ay naapektuhan at damang-dama natin ang galit na nararamdaman ng marami nating kababayan.


May mga humihiling na dapat persona-non-grata na si Jackie, may nagsasabi ring ang mga nurse umano ng Canada ay puro teorya lang pero pagdating sa aktuwal na trabaho ay hindi makasabay kaya mas gusto ng maraming bansa na kunin ang mga nurse ng Pilipinas.


Hindi nga naman kasi tama na sa dinami-rami ng mga bansang nagpapadala ng nurse sa iba’t ibang bansa ay ang Pilipinas pa ang binanatan nitong si Jackie na bukod sa nilait ay minaliit pa ang kakayahan para lamang palabasing mas mahusay ang mga nurse na nagtapos sa Stenberg College sa Canada.


Hindi rin ito maituturing na disenteng marketing strategy para lamang i-promote ang isang kolehiyo gamit ang walang katotohanang paninira laban sa ating mga Pinoy nurse at ang napakasakit pa ay mismong kababayan pa natin ang pasimuno para gibain ang mga nurse sa 'Pinas.


Dahil sa sobrang kuyog na inabot ng Stenberg College sa social media ay naobliga silang humingi ng paumanhin mula mismo sa Presidente ng Stenberg College na si Jeremy Sabelle na hindi umano nila sinasadya at walang intensiyong manira ngunit kasunod nito ay ipinagtanggol at itinaas niya ang kolehiyong kanilang kinabibilangan.


Humingi rin ng paumanhin ang nurse na punu’t dulo ng kaguluhan na si Jackie na kesyo nahirapan nga umanong humanap ng tamang pananalita para lamang mag-sorry at tulad ng dapat asahan ay hindi rin umano niya sinasadya ang napakarami niyang paninira.


Hindi natin alam kung paano tatanggapin ng mga Pinoy nurse at mga kababayan nating nakapanood ng naturang video ang sorry-not-sorry na paghingi nito ng paumanhin dahil siya ay isang pilipino na sa halip na binababoy ang kagalingan ng ating mga nurse ay dapat pa ngang ibandera niya ang husay, galing, at ipagtanggol niya. Nakakalungkot na para sa kapakanan ng dayuhan ay ganun na lang ang kanyang ginawa.


Totoo nga naman na kalawang talaga ang sumisira sa bakal!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page