top of page
Search
  • BULGAR

Perpektong 3-0 na ang Dominica, undefeated na rin ang Germany

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 30, 2023




Tumanggap ng malaking tulong ang naghihintay na Gilas Pilipinas sa Dominican Republic matapos silang magwagi sa Angola, 75-67, sa huling araw ng aksiyon sa Grupo A ng 2023 FIBA World Cup sa Araneta Coliseum kahapon.


Dahil sa resulta, matutulungan ng mga Pinoy ang mga sarili at magwagi sa Italya sa nalalabing laro upang makapasok sa Round 2 habang isinusulat ito kagabi.


Mula sa 65-65 tabla at 2:52 sa orasan, rumatrat ng 10 sunod-sunod na puntos ang mga Dominicano sa likod nina Victor Liz, Andres Feliz, Karl-Anthony Towns at Jean Monteiro upang lumayo, 75-65, at 17 segundong ang nalalabi. Ipinasok ni Silvio de Sousa ang huling hirit ng Angola subalit tiyak na ang pagiging numero uno ng Dominican Republic sa kanilang perpektong 3-0 kartada.


Nagtapos si Feliz na may 17 puntos habang nag-ambag ng 13 si Liz. Nalimitahan sa walong puntos lang si KAT matapos maagang matawagan ng kanyang ika-apat na foul na may 8:45 sa pangatlong quarter at napilitang umupo ng matagal.


Nagtala ng 12 ng kanyang 19 puntos sa 4th quarter si de Sousa na may kasamang siyam na rebound. Kinailangan niyang umangat sa gitna ng mga suliranin ni Bruno Fernando sa foul at pilay subalit nakagawa pa rin ng 13 puntos ang Atlanta Hawks forward.


Magkakaroon ng tabla sa 1-2 ang Gilas, Italya at Angola kung magwawagi ang mga Pinoy. Sa Okinawa Arena, winalis din ng Alemanya ang Grupo E matapos durugin ang wala pang panalong Finland, 101-75. Limang Aleman ang gumawa ng 10 o higit na puntos sa pangunguna nina Dennis Schroder at Isaac Bonga na parehong may tig-15 puntos. Sumunod si Johannes Thiemann na may 13.


Samantala, nakamit ng Ehipto ang unang tagumpay sa Grupo D at inilampaso ang kulelat na Mexico, 100-72. Double-double si Ehab Amin na 22 puntos at 10 assist.






0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page