Perpekto pa rin ang laro ng U.S.A. sa FIBA tune up
- BULGAR
- Aug 15, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 15, 2023

Pinatahimik ng Team USA ang mga basher at pumasa sa pinakamalaking pagsubok papasok sa 2023 FIBA World Cup – isang 98-88 tagumpay kontra sa defending champion at numero uno sa mundo Espanya kahapon mula sa Palacio de Deportes Maria Martin Carpena ng Malaga. Nanatiling perpekto sa tatlong laro ang mga Amerikano na binubuo ang 12 kabataang manlalaro ng NBA.
Gaya ng inaasahan, dikdikan ang laban bago tuluyang umarangkada ang Team USA sa huling quarter. Lamang lang sila ng isa matapos ang tatlong quarter, 73-72, subalit napalago nila ito sa 97-84 papalapit sa huling minuto.
Si Jalen Brunson ng New York Knicks ang bumida sa kanyang 21 puntos at sinuportahan ni Mikal Bridges ng Brooklyn Nets na may 12. Tig-11 puntos sina Brandon Ingram, Austin Reaves at Anthony Edwards.
Nanguna sa mga Kastila si Santi Aldama ng Memphis Grizzlies na may 14 habang 12 si Alex Abrines. Patuloy din ang husay ng mag-utol na kuya Willy Hernangomez na may 13 at Juancho Hernangomez na may 11 puntos.
Maliban kay Aldama may isa pang aktibong NBA ang Espanya na si Usman Garuba ng Oklahoma City Thunder subalit ipinahinga siya matapos mapilay sa laro laban sa Slovenia noong isang araw. Ang mga kakampi nilang may karanasan sa NBA ay mga Hernangomez, Abrines, Rudy Fernandez at Victor Claver.
Hahanapin ng Espanya ang kanilang ikatlong tropeo matapos ang 2006 at 2019. Kung papalarin, papantay sila sa dating Soviet Union na kampeon noong 1967, 1974 at 1982 bago ito mahati sa 15 bansa noong 1991.
Tumanggap ng malaking dagok ang kampanya ng Espanya matapos ihayag kamakailan ni 2019 World Cup MVP Ricky Rubio ng Cleveland Cavaliers na pansamantalang iiwan niya ang paglalaro.





Comments