Perez bumida sa panalo ng SMB, 2-1 na vs. 5G
- BULGAR

- 17 hours ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 26, 2026

Photo: Umariba ng paniguradong pag basket si San Miguel Beermen Moala Tautuaa habang naiwan sa depensa si Brandon Ganuelas Rosser ng Talk N Text Tropang 5G sa maaksyong tagpo nila sa PBA Philippine Cup finals game 3 best of seven series na ginanap sa Mall of Asia Arena, Pasay City. (REYMUNDO NILLAMA)
Laro ngayong Miyerkules - MOA
7:30 PM SMB vs. TNT
Mag-isang isinalba ni CJay Perez ang defending champion San Miguel Beermen sa 95-89 panalo sa TNT Tropang 5G sa Game Three ng 2025-26 PBA Philippine Cup Linggo ng gabi sa MOA Arena. Lamang na ang Beermen sa seryeng best-of-seven, 2-1.
Lamang ang SMB, 86-79, pero bumira ng 10 sunod ang Tropa tampok ang dalawang tres nina Calvin Oftana at Rey Nambatac at tinuldukan ng malakas na dunk ni Henry Galinato para maagaw ang bentahe, 89-86. Subalit iba ang plano ni Perez para sa huling 50 segundo.
Bigla siyang pumukol ng four-points na nagbalik ng lamang sa SMB, 90-89. Sinundan ito ng mabuting depensa na naging daan para makatira ng pandiin na tres si Perez at tuluyang sinelyuhan ng mga free throw ni Marcio Lassiter ang resulta.
Maganda ang simula ng Beermen at nakuha ang unang quarter, 33-19. Nagising ang TNT hanggang makamit ang unang lamang, 42-40, at naging dikdikan hanggang sa huling minuto.
Tatlong puntos lang si Perez sa unang tatlong quarter subalit uminit siya kung kailan pinakakailangan para sa 17 ng kaniyang 20 sa huling quarter. Sumuporta si Don Trollano na may 11 ng kanyang 19 sa pangatlo at halimaw si June Mar Fajardo na may 16 at 27 rebound.
Nagtapos na may 25 si Oftana. Sumunod sina Jordan Heading at Brandon Ganuelas-Rosser na may tig-15 at humakot ng 13 rebound si BGR.
Ang Game Four ay ngayong Miyerkules sa parehong palaruan. Igagawad din ang Best Player of the Conference sa araw na iyon.








Comments