Pelicans, Rockets at Hawks, umangat sa NBA standings
- BULGAR
- Dec 13, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 13, 2022

Tumibay ang estado ng New Orleans Pelicans bilang numero uno sa Western Conference at umulit sa bisitang Phoenix Suns sa overtime, 129-124, sa NBA kahapon sa Smoothie King Center. Nagkita ang parehong koponan noong isang araw at nanaig ang Pelicans, 128-117, at may isa pa silang laro ngayong Disyembre 17 sa tahanan ng Suns.
Sa overtime, bumaha ng 10 sunod-sunod na puntos ang Pelicans upang itayo ang 129-120 lamang na may 1:24 nalalabi. Sapat na ito para sa kanilang ika-pitong sunod na panalo at kartadang 18-8.
Patuloy ang mahusay na laro ni Zion Williamson at nagbagsak ng 35 puntos na sinundan ni CJ McCollum na may 29 puntos. Matatandaan na nabalot sa kontrobersiya si Williamson matapos ang kanyang dunk sa huling mga segundo ng unang laro sa Suns, isang bagay na hindi nagustuhan ni Coach Monty Williams ng Phoenix.

Bumida ng todo si kabayan Jalen Green sa higanteng 97-90 paggulat ng kulelat ng West na Houston Rockets sa pumapangalawa sa Eastern Conference Milwaukee Bucks.
Gumawa ng 30 puntos si Green para angatin ang Rockets sa 8-18, kabaligtaran ng kartada ng New Orleans.
Naghatid ng himala si rookie AJ Griffin at naka-shoot sabay ng huling busina ng overtime upang hatakin ang Atlanta Hawks laban sa Chicago Bulls, 123-122. Hindi nasayang ang 28 puntos ni Bogdan Bogdanovic at 19 puntos at 14 assist ni Trae Young.
Pinutol ng Los Angeles Lakers ang kanilang tatlong magkasunod na talo at pinadapa ang kulelat ng East na Detroit Pistons, 124-117. Naglabas ng bigating numero sina LeBron James na 35 puntos at Anthony Davis na 34 puntos at 15 rebound.





Comments