top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pekeng travel agency, aksiyunan!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 27, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 27, 2021



Matapos matengga sa kani-kanilang tahanan dahil sa lockdown na dulot ng COVID-19 pandemic, marami sa atin ang nagbalak mamasyal o bumiyahe nang magluwag ang turismo.


Pero paano kung ang pinagplanuhan at ginastusang travel goals ay nauwi sa wala?


Ganito ang nangyari sa hindi bababa sa 15 katao na nagreklamong naloko ng online travel agency na Travel Zone Philippines.


Ayon sa biktima, nagbook siya ng paragliding sa Carmona, Cavite noong Enero 21, ngunit pagdating sa venue, sinabihan siyang hindi affiliated ang atraksiyon sa Travel Zone Philippines.


Kuwento ng isa pang biktima, nag-book din siya sa naturang agency ng trip packages papuntang Batanes, Boracay at Palawan. Matapos magbayad ng down payment, napakarami na umanong problema kung saan hirap na silang ma-contact at napakarami umanong alibi ng agency.


Gayunman, nilinaw ng Department of Tourism (DOT) na hindi accredited ang Travel Zone Philippines at wala rin itong pending na papeles para sa accreditation.


Nang magsagawa ng inspeksiyon at surveillance ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa address ng agency na nasa online account nito, napatunayang bogus o walang record ang Travel Zone Philippines sa kanila.


Sa e-mail ng isang nagpakilalang isa sa mga administrator ng agency, sinabi nitong nagbigay na sila ng refund policy at kung may nakaligtaan daw ay tatawagan nila ang mga kliyente kapag nakakuha sila ng impormasyon.


Ngunit matapos ang ibinigay na araw para sa refund ng mga nagrereklamo, hindi na sila binalikan ng travel agency at hanggang ngayon, hindi pa ito sumasagot hinggil sa iba pang reklamo laban sa kanila.


Sa totoo lang, nakadidismaya dahil may pandemya pa nga at nagsisimulang bumangon ang sektor ng turismo, heto at pilit pang sinasamantala at sinisira ng ilan nating kababayan.


Panawagan sa taumbayan, maging mapanuri tayo at beripikahin muna kung tunay ang travel agency bago magbayad.


Isa pa, ngayong umiiral ang mas mahigpit na quarantine restrictions, iwasan muna nating bumiyahe, lalo pa’t hindi maganda ang ating sitwasyon.


Samantala, panawagan sa mga kinauukulan, aksiyunan din ang mga ganitong modus dahil hindi na nga nakatutulong, perhuwisyo pa sa ating mga kababayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page