top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

PCSO Silver Cup, lalarga sa Malvar

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 18, 2022
2 min read

Updated: Oct 24, 2022

ni Green Lantern - @Renda at Latigo |October 18, 2022


Ilalarga sa darating na Linggo ang 2022 PHILRACOM - PCSO Silver Cup na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.


May 12 tigasing kabayo ang nominado sa distansiyang 1,800 meter race kung saan nakalaan ang tumataginting na P4-M garantisadong premyo na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.


Muling magkikita sa pista ang mahigpit na magkaribal na Boss Emong at Super Swerte kaya tiyak na magandang laban ang masisilayan ng mga karerista sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Ang ibang nagsaad ng paglahok ay sina Nuclear Bomb, Big Lagoon, Cam From Behind, Heneral Kalentong, Tiger Bomb, Pangalusian Island, Sky Shot, Spandau Ballet at War Cannon.


Hahamigin ng mananalong kabayo ang P2.4-M, mapupunta sa second placer ang P800,000, susungkitin ng tersero ang P400,000 habang tig-P200,000, P120,000 at P80,000 ang fourth, fifth at sixth ayon sa pagkakahilera.


Rerendahan ni class A rider Jeffril Zarate si Boss Emong, habang si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie Guce ang sasakay kay Super Swerte na pag-aari ni Sandy Javier.


Samantala, impresibo ang ipinakitang takbo ni Senyorita nang angkinin ang korona sa Condition Race Merged na nilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, noong Linggo ng hapon.


Nanalong banderang tapos ang anak nina Cat Brulay at Near Miss na si Senyorita kung saan ay nasa 10 kabayo ang agwat nito sa pumangalawang Batang Cabrera.


Nirendahan ni jockey John Alvin Guce, inirehistro ni Senyorita ang tiyempong 1:29 minuto sa 1,400 meter race sapat upang ibulsa ng winning horse owner ang P10,000 karagdagang premyo. Terserong dumating sa meta si Speeding Hero habang pumang-apat si Refuse To Lose.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page