top of page

PBBM, kailangan mag-public apology kung walang kurakot na makukulong sa Pasko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT MAG-PUBLIC APOLOGY SI PBBM KAPAG HINDI NATUPAD ANG PROMISE NIYANG MAY MGA KURAKOT NA PULITIKO ANG MAGPA-PASKO SA CITY JAIL – Napakaraming pulitiko ang sangkot sa scam sa mga flood control projects, ngunit isa pa lamang ang sinampahan ng kaso ng Ombudsman at nilabasan ng warrant of arrest mula sa Sandiganbayan—si former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.


Si Zaldy Co ay kasalukuyang nagtatago sa ibang bansa, kaya’t hindi pa siya nadakip ng mga otoridad. Samantala, ang ibang pulitiko na sangkot sa flood control scandal ay hindi pa nasasampahan ng kaso, kaya wala pa silang warrant of arrest.


Dahil dito, kung darating ang Pasko nang wala pang pulitikong nakulong, dapat magbigay ng public apology sa mamamayan si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM). Ito ay dahil pinaasa-asa niya ang taumbayan na may mga pulitiko na makukulong ngayong Kapaskuhan. Ngayon na halos isang linggo na lang ay Pasko na, tila wala pa ring pulitikong kurakot ang mapapadala sa city jail. Boom!


XXX


MARAMING KURAKOT NA DPWH OFFICIALS SA ‘PINAS ANG MAKAKALUSOT SA KASO, KASI ANG MGA TAGA-ICI ANG MAKUPAD MAG-IMBESTIGA – Mula nang itatag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Setyembre 11, 2025, at sa halos tatlong buwang imbestigasyon nito sa mga flood control projects, mga opisyal pa lamang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa tatlong lalawigan—Bulacan, Oriental Mindoro, at Davao Occidental—ang sinampahan ng kasong malversation of public funds at graft.


Mantakin n’yo, halos lahat ng tanggapan ng DPWH sa mga probinsya sa bansa ay sangkot sa flood control projects scam, ngunit dahil sa kupad na imbestigasyon ng ICI, tanging mga DPWH officials sa tatlong probinsya lamang ang nairekomenda nilang kasuhan.


Dahil sa ganitong makupad na imbestigasyon, parang nakikita rin nating matatapos ang termino ni PBBM bilang presidente dahil maraming kurakot na DPWH officials sa ibang lalawigan ang makakalusot sa kaso. Mananatili pa rin sila sa kanilang mga puwesto para ipagpatuloy ang pangurakot sa kaban ng bayan. Period!


XXX


BILYONES NA PANG-PROJECTS NG MGA CONG. TULOY PA RIN?!! – Nang mapatalsik sa puwesto sina Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker at noo’y Ako Bicol Rep. Zaldy Co bilang chairman ng House Appropriations Committee, at napalitan nina Isabela Rep. Bojie Dy bilang House Speaker at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing bilang pinuno ng House Appropriations Committee, inakala ng publiko na matitigil na ang bigayan ng bilyun-bilyong pondo para sa mga kongresista.


Ngunit base sa ibinulgar at nakalap na dokumento ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), bilyones pa rin daw ang inilaan na pang-projects ng mga kongresista. At ang una sa talaan ng may pinakamalalaking pang-projects ay sina mismo Speaker Bojie Dy at House Appropriations Committee Chairperson Mikaela Suansing umano. Boom!


XXX


NANG MAKATIKIM NG KASO SA CIDG, CONG. KIKO BARZAGA, NAG-LIE LOW SA PAGPO-POST NG MGA ATAKE SA GOBYERNO – Matapos sampahan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng mga kasong inciting to sedition at rebellion si 4th District Rep. Kiko Barzaga, nag-lie low na sa social media ang kongresista laban sa pamahalaan.


Akala ng publiko na totoong palaban si Cong. Kiko laban sa Marcos administration, eh hindi pala—mistulang natakot nang makatikim ng kaso, he-he-he!


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page