top of page

Kapag nawala ang takot sa Diyos, nawawala ang moralidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | December 17, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Marami ang nagtatanong: Ano ang ugat ng korupsiyon sa Pilipinas?

Ang ugat ng korupsiyon sa Pilipinas ay siya ring ugat ng korupsiyon sa ibang bansa.


----$$$--

ANG korupsiyon, kung uugatin, ay bunga ng kasakiman ng tao.

Ito ay ang pagiging materyalistiko ng tao, at dahil ang mga opisyal ng gobyerno ay tao, kakambal nila ang kasakiman at pagiging gahaman.


-----$$$--

PWES, ergo—upang mawala ang korupsiyon, dapat ay mabura o talikdan ng tao partikular ang mga opisyal ng gobyerno ang kasakiman o pagiging ganid.

Ang kasuwapangan, ganid at sakim, ay isang negatibong ugali ng isang tao—na ang paniniwala sa buhay ay nakapundasyon sa materyal.

 

----$$$--

SA hinaba-haba ng sibilisasyon o libo-libong henerasyon ng mga tao, nakatuklas ang matatalinong tao ng solusyon sa “kasakiman.”

Inimbento at nilikha nila ang tinatawag ng “relihiyon.”

Ito ay ang pananampalataya sa isang Diyos na hindi nakikita ng mata at hindi naipapasok sa laboratory o nasisilip sa microscope, pero nararamdaman!


-----$$$--

ANG kasakiman—o pag-i-interest na makamkam ang materyal na ari-arian ng ibang tao—ay nagbubunga ng away, kaguluhan at digmaan.

Dapat nating maunawaan ang konseptong ‘yan, upang maunawaan din ang nagaganap na korupsiyon—hindi lang sa Pilipinas, bagkus ay maging sa ibang bansa.


-----$$$--

NABUO ang relihiyon na nagmula sa mistismo upang ang tao ay matakot na gumawa ng masama—at ang pundasyon ng kasamaan ay korupsiyon o pag-iimbot ng ari-arian ng kapwa tao.

Nagkaroon ng “Diyos”—na inilalarawan na sobrang makapangyarihan; nasa lahat ng lugar, nasa lahat ng panahon;  sobrang talino’t may alam sa lahat.

Omnipotence, omnipresence; at omnisciense!


------$$$--

Kailangang magkaroon ng takot sa Diyos ang lahat ng tao—lalo na ang mga opisyal ng gobyerno.

Nagbuo ng doktrina ang mga relihiyon upang masugpo ang kasakiman at itakda ang moralidad sa lipunan.


----$$$--

SA totoo lang, aminin o hindi ng mga eksperto sa batas—ang mga modernong Konstitusyon at mga ideolohiyang umiiral ay nakapundasyon sa “Ten Commandments.”

Ang Divine Law, tradisyon at kultura – na “hindi nakasulat”—ay iginagalang ng hudikatura o mismo ng Korte Suprema—bilang bahagi ng kanilang mga desisyon sa maseselang kaso.


------$$$--

NAGKAROON ng relihiyon upang itakda kung alin ang “kasalanan” o “hindi kasalanan.”

D’yan kinopya ang terminong “ilegal” at “legal,” “naaayon sa batas,” at “labag sa batas”.

Kung walang batas, walang lalabagin—lehitimo ang lahat ng kilos ng tao.

 

-----$$$--

KUNG walang doktrina tungkol sa “kasalanan” ang mga relihiyon—at sekta, magiging “banal” ang mga tao dahil hindi sila “nagkakasala.”

Pero, ang resulta ng kawalan ng doktrina at kawalan ng batas o Konstitusyon—ay nagbunga ng away-away, patayan at digmaan.

Ito ay dahil ang pagpatay at pandarambong ay hindi sakop ng batas at doktrina.


-----$$$--

IGALANG natin ang batas, igalang natin ang doktrina at mahalin natin ang umiiral na gobyerno.

Iyan ang solusyon sa katiwalian.


----$$$--

PERO kapag ang gobyerno ay aktuwal na “nilalaro” o “minamanipula” ang batas, at ang sekta’t relihiyon ay binabastos ang doktrina, asahan natin ang walang katapusang kaguluhan.


Iyan ang batas sa gubat – matira ang matibay!

Maunawaan sana ito ng lahat.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page