Ipinagbawal ang paglampas ng higit sa isang taon sa libreng kolehiyo
- BULGAR

- 9 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 17, 2025

Dear Chief Acosta,
Nag-aalala ako tungkol sa aking anak na kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo. Siya ay naka-enroll sa isang state university at kasalukuyang nakikinabang sa libreng matrikula. Pero narinig ko sa isang kapitbahay namin na dahil naantalang makatapos at hindi pa niya natatapos ang apat na taong kurso niya, baka mawalan siya ng benepisyong libreng edukasyon. Totoo ba iyon? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po. – Marky
Dear Marky,
Bilang pangunahing prayoridad ng ating pamahalaan, ang edukasyon ay patuloy na pinalalakas, nirereporma, at ginagawang libre para sa lahat ng mamamayang kapos ang kakayahan. Dahil dito, ipinasa ang Republic Act No. 10931, na kilala rin bilang "Universal Access to Quality Tertiary Education Act," na naglalayong magbigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo sa lahat ng pampublikong higher education institutions (HEIs) o kolehiyo.
Gayunpaman, ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo sa mga HEIs o kolehiyo ay hindi para sa lahat. Tinutukoy ng batas ang ilang indibidwal na maaaring hindi kwalipikado o hindi karapat-dapat na makinabang sa programa. Ayon sa Seksyon 6 ng nasabing batas:
“Section 6. Exceptions to Free Tertiary Education. - The following students are ineligible to avail of the free tertiary education:
(a) In SUCs and LUCs:
(1) Students who have already attained a bachelor's degree or comparable undergraduate degree from any HEI, whether public or private:
(2) Students who fail to comply with the admission and retention policies of the SUC or LUC;
(3) Students who fail to complete their bachelor's degree or comparable undergraduate degree within a year after the period prescribed in their program; and”
Ayon sa nasabing probisyon, ang sinumang benepisyaryo ng programa na hindi makapagtapos ng kanyang bachelor’s degree o katumbas na undergraduate na programa, sa loob ng isang taon matapos ang itinakdang karaniwang haba ng kanyang kurso ay maaaring ideklarang hindi kwalipikado sa programa.
Upang sagutin ang iyong katanungan, dahil naka-enroll ang iyong anak sa isang apat na taong kurso sa isang pampublikong unibersidad, maaari siyang madiskwalipika sa libreng edukasyon kung hindi niya matatapos ang kanyang kurso sa loob ng isang taon matapos ang apat na taon. Ang mga estudyanteng hindi karapat-dapat o disqualified ay kailangang magbayad ng kanilang matrikula. Tulad ng binanggit sa parehong probisyon:
“Students ineligible to avail of the free tertiary education shall be charged the tuition and other school fees, as determined by the respective boards of the SUCs and LUCs, and in the case of the state-run TVIs, to be determined by the TESDA.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments