PBBM, feeling BFF si Pres. Trump, ‘Pinas dinagdagan naman ng taripa
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 27, 2026

VP SARA TOP ULI SA PRESIDENTIAL SURVEY SA RATING NA 49%, HABANG SI SEN. RISA KULELAT SA RATING NA 0.01% – Sa 14 na pangalan ng mga pulitiko at opisyal ng gobyerno na isinama sa presidential survey ng Pulse Asia para sa 2028 elections, dalawa pa lamang ang hayagang nagdeklara ng kanilang kandidatura sa pagkapangulo—sina Vice President Sara Duterte at Sen. Risa Hontiveros.
Hindi na natin isasama ang resulta ng ibang personalidad dahil hindi pa naman sila deklaradong tatakbo sa 2028 presidential election. Magpokus na lang tayo kina VP Sara at Sen. Risa.
Muli, nanguna si VP Sara sa survey sa nakuha niyang 49% rating. Samantala, si Sen. Risa ang naging sentro ng pangungutya ng ilang netizens sa social media dahil siya ang nakakuha ng pinakamababang rating na 0.01%, malayong-malayo sa resulta ng bise presidente. Ha-ha-ha!
XXX
‘PINAS PINATAWAN NG TATE NG 12.5% TARIPA, IBIG SABIHIN NIYAN HINDI ITINUTURING NI US PRES. TRUMP NA BFF NIYA SI PBBM – Nagpataw si US President Donald Trump ng karagdagang 12.5% tariff o buwis sa lahat ng produktong iniluluwas ng Pilipinas sa Amerika.
Hay naku, kung magpabida si PBBM sa publiko ay parang ipinapalabas niyang BFF forever sila ni Pres. Trump. Pero kung talagang ganoon ang kanilang samahan, bakit nagpataw pa rin ang US ng ganoon kalaking taripa sa mga produktong Pilipino? Boom!
XXX
MAY NAGPASABOG NA NG IED SA MINI-CASINO SA BAGUIO CITY, MAY NAGPAPUTOK NA NG BARIL SA SAKLAAN SA CAVITE, PERO AYAW PANG IPA-STOP – Noong April 13, 2026, isang minero ang nagpasabog ng improvised explosive device (IED) sa mini-casino nina "Patrick" at "Nestor" sa Baguio City dahil umano sa pandarayang ginagawa sa kanya. Labintatlong katao ang nasugatan sa insidente.
Samantala, naging viral naman noong nakaraang linggo ang pagwawala at pagpapaputok ng baril ng isang negosyanteng natalo sa sakla ni "Turok" sa Kawit, Cavite.
Sa kabila ng mga insidenteng ito, tuloy pa rin ang operasyon ng mini-casino nina "Patrick" at "Nestor" sa Baguio City, gayundin ang sakla ni "Turok" sa Kawit. Ang masaklap, mayroon na ring sakla sa mga bayan ng Indang at Noveleta na umano'y pinatatakbo nina "Atan" at "Eric."
Hay naku, tila hihintayin pa yata ng mga awtoridad na may mamatay bago tuluyang ipatigil ang mga ganitong ilegal na raket sa kanilang nasasakupan. Mga pwe!




Comments