- BULGAR
Paumanhin kung mali at katatagan kung tama ni P-Duterte
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 17, 2022
Walang kagatul-gatol at diretsong humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa kabiguan ng kanyang administrasyon na maipatupad ang ilang mahahalagang programa sa anim na taon niyang panunungkulan bilang Pangulo.
Ilan lang ito sa mahahalagang bahagi na kanyang sinambit sa nagdaang inagurasyon ng bagong Metro Manila Development Authority (MMDA) sa head office building nito sa Pasig City, kung saan ramdam na ramdam ng mga dumalo ang kakulangan pa sa panahon ni PRRD para sa kanyang mga pangarap sa bansa.
Sa kabila ng napakarami niyang nagawa para sa ikabubuti ng ating bansa ay mapagpakumbaba pa niyang sinabi ang katagang, “Pasensiya na kayo sa aking nakayanan, ginawa ko na ang lahat ng aking makakaya at kung sa tingin ninyo ay kulang pa, I’m sorry”.
Bagama’t may kalungkutang nararamdaman dahil ilang araw na lamang na ilalagi ni P-RRD sa Palasyo ay ipinakita naman ng mga kababayan nating dumalo sa naturang inagurasyon ang halos hindi maputol na palakpakan na tila umalingawngaw ng maraming pasasalamat.
Sinabi rin ni P-RRD na kailanma’y hindi nagkaroon ng puwang ang kapabayaan sa kanyang administrasyon, ngunit sadyang nagapi umano siya ng kakulangan ng panahon, kaya marami sa kanyang mga proyekto ang hindi natapos.
Ibig sabihin, sa dinami-rami ng mga proyektong naisagawa niya sa ilalim ng kanyang Build, Build, Build Program ay talagang nakukulangan pa siya, lalo na siguro kung hindi pa tayo nagdaan sa matinding pakikibaka sa pandemya.
Sa maraming pagkakataon ay palaging nagpapasalamat si P-RRD sa sambayanang Pilipino dahil hanggang sa huling sandali nito sa Palasyo ay ramdam pa rin umano niya ang suporta ng taumbayan na kahit kailan ay hindi umano siya iniwan.
Kasunod nito ay nagsagawa ng inspeksiyon si P-RRD sa main campus ng National Academy of Sports sa New Clark City sa Capas, Tarlac at muli’y nagkaroon ito ng pagkakataong magbigay ng pananalita para sa isa pang matagumpay na proyekto sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Dito ay muli rin siyang humingi ng paumanhin sa ilang sugal na kanyang saglit na pinayagan dahil sa laki ng kinikita ng pamahalaan, ngunit agad din niyang ipinatigil matapos matiyak na maraming buhay ang nasira at ayaw niyang magkawatak-watak ang pamilya kapalit lamang ng pera.
Kasabay nito ay ipinakita pa rin ni P-RRD ang kanyang katatagan dahil hanggang sa huling sandali ng kanyang panunungkulan ay may mga humahabol pa ng pagpuna dahil masyado umanong agresibo ang isinagawa nitong pagsupo sa ilegal na droga at maliwanag na unconstitutional.
Bahagyang nag-init ang ulo ni P-RRD at pinanindigang hindi unconstitutional ang paglaban niya sa bawal na droga dahil maraming buhay na umano na sinira ng ilegal na droga at kabataang nawalan na ng pag-asa sa buhay dahil naliko ang landas.
Tahasang kinondena ni P-RRD ang ilang matatalinong bumabatikos sa kanyang sistema sa pagsugppo sa bawal na gamot dahil ang kaalaman umano sa edukasyon ay hindi kahalintulad ng kaalaman sa mismong sitwasyon kung saan nagaganap ang bakbakan laban sa mga nagtutulak ng ilegal na droga.
Wala talagang makapigil kay P-RRD pagdating sa paglaban sa ilegal na droga at kahit nga ang International Criminal Court (ICC) na nais manghimasok at magsagawa ng imbestigasyon sa naturang drug war ay hindi nakaporma.
At ngayon ay mariin ang bilin ni P-RRD kay Vice-President-elect Sara Duterte na tiyaking ipagpapatuloy ang anti-illegal drug program sa mga paaralan matapos na tanggapin nito ang hamon na maging kalihim ng Department of Education (DepEd).
Inamin ni P-RRD na masakit para sa kanya na ang mga batang mag-aaral lalo pa at posibleng bumalik na sa face-to-face classes na maging biktima ng illegal drugs dahil maging ang mga pamilya ng mga ito ay nadadamay.
Kasabay nito ay nanawagan din si P-RRD sa military, PNP at Coast Guard na huwag bibitaw sa pagsugpo sa ilegal na droga dahil ito umano ang unang-unang kalaban na papatay sa buong Pilipinas.
‘Yan ang iiwan sa ating pamana ni P-RRD, kung may mali ay buong tapang na hihingi ng tawad, ngunit kung may dapat ipaglaban ay handa niya itong tayuan hanggang kamatayan para sa bayan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com