top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Patunay na nanlaban, ‘di na kailangan sa biktima ng rape

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 21, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Sep. 21, 2024



Boses by Ryan Sison

Makatwiran lamang ang naging desisyon ng Korte Suprema na sa mga kaso ng panggagahasa o rape cases na ginawa sa pamamagitan ng puwersa, pagbabanta o pananakot ay hindi kinakailangang patunayan na nanlaban ang biktima.


Sa desisyon ng Third Division na ipinahayag noong June 2024, isang akusado na naghain ng apela sa mataas na hukuman ay napatunayang guilty ng panggagahasa sa pamamagitan ng sexual assault, qualified rape at slight physical injuries. 


Batay sa report, taong 2009, sinamantala ng akusado ang kanyang 10-anyos na anak na babae. Ang mga katulad na insidente, kabilang ang karahasan, ay naganap sa pagitan ng ama at ng kanyang anak na babae sa halos magkakasunod na apat na taon.


Sa panahon ng trial, itinanggi ng ama ang mga paratang laban sa kanya at sinabi sa korte na nahuli niya ang kanyang anak na babae na nagkaroon ng cellphone na ibinigay umano ng kasintahan nito.


Inamin naman ng ama sa korte na nagalit siya sa kanyang anak dahil ayaw umano niyang maligaw ito ng landas, pero mariing itinanggi ang kasong panggagahasa. 


Gayunman, hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) ang akusado ng panggagahasa sa pamamagitan ng sexual assault, rape at slight physical injuries na kalaunan ay pinagtibay naman ng Court of Appeals. 


Gayundin, itinuring ng Korte Suprema na kapani-paniwala ang testimonya ng anak na babae at walang nakitang dahilan para baligtarin ang mga desisyon ng mga mababang hukuman.


Ayon sa SC sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, ang testimonya ng ‘AAA’ ay direkta, consistent, sapat ang pagdedetalye at withstood o nananatili sa pagtatanong ng parehong depensa at ng RTC. 


Iginiit din ng Korte Suprema sa desisyon, na sa ilalim ng Revised Penal Code kung saan ang panggagahasa ay ginawa na may puwersa, pagbabanta o pananakot, hindi kailangan ng patunay ng pagtutol o resistance.


Binanggit naman ng korte na sa mga kaso ng incestuous rape, moral ascendancy o influence ay pumapalit sa elemento ng karahasan o pananakot. 


Mabigat para sa naging biktima ng rape na sa una pa lang ay ipahayag sa iba na nangyaring ang pang-aabuso, at higit na kabigatan na patunayan kung nakuha ba niyang manlaban sa ginawa sa kanyang panggagahasa.


Hindi kasi ito makatarungan para sa isang babaeng nakaranas ng matinding sakit mula sa maraming parte ng kanyang katawan, sa isipan, emosyon at iba pa, habang batid niya na tuluyang nasira ang kanyang kinabukasan.


Ang masaklap lang kung minsan sa mga korte, lumalabas na ang biktima ang tila nililitis dahil sa hindi niya maipaliwanag o mapatunayan na ginawa niyang lumaban sa panahon na nangyari ang panghahalay sa kanya.


Sila ay mga biktima, kaya nararapat lamang na ituring sila bilang mga biktima. Kailangan natin silang alagaan, pahalagahan ang kanilang karapatan at tulungang maibangon ang kanilang sarili.


Sa ganang akin, makabubuti at makatutulong nang malaki sa mga biktima ang pasyang ito ng Korte Suprema. Habang dapat na parusahan ang mga indibidwal na gawain. 

Hiling lang natin sa kinauukulan, sana ay patuloy na maging patas at makabuluhan ang magiging desisyon pa sa anumang kasong kakaharapin.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page