Patuloy na pagtaas ng kaso ng teen pregnancy, ‘wag dedmahin!
- BULGAR

- Feb 18, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | February 18, 2021
Naghain tayo ng resolusyon sa Senado na naglalayong imbestigahan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng teen pregnancy sa bansa.
Ayon sa Population Commission, ika-siyam na taon na mula noong 2011 na nagtala ng patuloy na pagtaas ang teen pregnancies.
Tumaas ng 7 percent ang teen pregnancy rate ng 2019 mula 2018. 2,411 na kinokonsiderang “very young adolescents,” o mula sa edad na 10 hanggang 14, ang nanganak.
Bukod sa health risk para sa nanay at bata, maaaring maging hadlang ang teenage pregnancy sa edukasyon at makaambag sa kahirapan.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 650, nais nating matukoy kung ano ba ang ginagawa ng pamahalaan upang matugunan ang isyung ito. Titingnan din natin kung paano makatutulong ang lehislatura sa pamamagitan ng mga bagong batas o pag-review ng mga kasalukuyang batas.
☻☻☻
Isa pa ring resolusyon ang inihain natin tungkol naman sa naglipanang pekeng produktong na ginagaya ang ating mga indigenous weave.
Layunin ng Senate Resolution No. 645 na imbestigahan ang pagdagsa ng mga pekeng produktong ito.
Ibinalita noong Enero ang pagkalat ng mga counterfeit Cordillera-woven products mula sa China. Marami sa mga produktong ito ay mga machine-made replica na gawa sa mga conventional textile, hindi tulad ng mga indigenous weave nating hand-made at gumagamit ng mas matibay at espesyal na fabric.
Humihingi ng tulong at proteksiyon ang ating mga Cordillera weavers dahil ang pagpasok ng mga pekeng produktong ito ay makapipinsala hindi lamang sa kanilang kabuhayan, kundi pati na rin ng iba pang indigenous weavers sa buong bansa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments