top of page

Patuloy na ipakita ang suporta sa mga guro sa pagtatapos ng Teachers’ Month

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 3, 2024
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 3, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Mainit na pagbati ang ating ipinaaabot sa lahat ng minamahal nating mga Pilipinong guro sa pagtatapos ng National Teachers’ Month. 


Lubos akong nagpapasalamat sa ating mga guro para sa napakahalagang papel na kanilang ginagampanan upang hubugin ang ating mga kabataan na maging mabubuti at mahuhusay na mga mamamayan. 


Kaya naman bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa ating bansa, patuloy nating isinusulong ang mga panukalang batas na lalo pang magtataguyod sa kanilang kapakanan. 


Unang-una na rito ang dagdag na mga benepisyo at oportunidad sa trabaho para sa bawat public school teacher. Makikita natin ito sa ipinaglalaban nating pagsasabatas ng Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) na naglalayong dagdagan ang benepisyo ng mga guro at ayusin ang mga kondisyon sa kanilang trabaho.  


Isinusulong din ng naturang panukala ang pagbibigay ng calamity leave, special hardship allowance, ang proteksyon sa mga guro pagdating sa out-of-pocket expenses, ang pagbabawal sa pagpapagawa ng non-teaching tasks, ang pagbabawas ng teaching hours mula anim pababa sa apat, at iba pa. 


Sa ilalim pa rin ng naturang panukala, ang karagdagang oras ng pagtuturo ay magkakaroon ng karagdagan namang bayad na katumbas ng kanilang regular na sahod at umentong hindi bababa sa 25 porsyento ng kanilang basic pay.   


Samantala, layon naman ng Career Progression System for Public School Teachers Act (Senate Bill No. 2827) na palawakin ang oportunidad ng mga guro sa pagkakaroon ng career path sa teaching, school administration, o supervision. Layon din ng naturang panukala na likhain ang mga posisyon na Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, and Master Teacher V. 


Sa ating mga guro, hindi madali ang inyong tungkulin. Sa kabila ng mga hamon sa sektor ng edukasyon, nananatili kayong matatag at tapat sa inyong misyon. 

Ipinapakita ninyo ang tunay na kahulugan ng pagmamahal sa ating bayan, sa edukasyon, at sa ating bansa. Pagpupugay para sa inyong lahat!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page