Patong Patong, mahusay sa larga ng Condition Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |November 1, 2022
Ipinakita ni Patong Patong ang kanyang husay sa karerahan nang manalo sa Condition Race Merged na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, noong Linggo ng hapon.
Maraming humangang karerista kay Patong Patong na sinakyan ni jockey RM Adona, kahit dehado ay inilampaso niya ang mga liyamadong kabayo.
Pang-apat na lumabas sa largahan si Patong Patong subalit pagdating sa kalagitnaan ng karera ay nasa segundo puwesto na ito at kumukuha na rin ng unahan.
Pagdating ng far turn ay inagaw na ni Patong Patong ang unahan kay A.P. Factor at sa hometurn ay nakalamang na ang winning horse ng limang kabayo.
Determinadong manalo si Patong Patong kaya naman sa rektahan ay pabibo na ang mga tagahanga nito. Tinawid ni Patong Patong ang meta ng may anim na kabayong agwat sa pumangalawang Weather Lang.
Inilista ni Patong Patong ang 1:24.2 minuto sa 1,400 meter race upang hamigin ng winning horse owner ang added prize na P10,000.
Tumersero si A.P Factor habang pumang-apat si Sir William sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.





Comments