Pati subscribers sa YouTube, 5 M na… TONI, HABANG BINA-BASH, FOLLOWERS SA IG, TUMAAS NG 7.1 M
- BULGAR
- Feb 12, 2022
- 2 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | February 12, 2022

Masasabing si Toni Gonzaga-Soriano ang pinakasikat ngayong showbiz personality sa buong Pilipinas at sa mga bansang may mga Pinoy dahil kaliwa’t kanan ang mga bashing sa kanya at the same time ay ipinagtatanggol siya.
Nakaabang ang lahat sa social media kung ano ang update sa mga nangyayari kay Toni, kung may bagong bira o kuwento mula sa iba’t ibang tao na nakatrabaho niya in the past.
At the same time ay inaabangan din kung ano ang reaksiyon ng pamilya ni Toni o ng asawa niyang si Direk Paul Soriano.
Nabasa namin ang post ng Pambansang Lalaking Marites ng Pilipinas na si Xian Gaza na nagbigay din ng opinyon niya tungkol kay Toni.
Aniya, “Bilang isang eksperto sa social media, ito lang ang masasabi ko. Ang pag-cancel kay Toni is not a strategic move at all. The more you cancel her, mas magiging influential siya. We know how to capitalize on hate then convert it to massive influence and power.”
Totoo naman dahil isinulat namin dito sa BULGAR nitong Huwebes na may 4.93M subscribers ang Toni Talks YouTube channel niya at dahil sa mga ganap ng TV host/actress/producer/content provider ngayon ay umakyat na sa 5.04M, na ibig sabihin ay nadagdagan ang mga subscribers niya at pati ang Instagram niya ay nasa 7.1M followers na.
Kaya naman nagpasalamat siya sa kanyang IG account by posting her picture with a "Thank You" message dahil sa lumobong numero ng mga followers niya sa social media.
Pati nga ang parody niyang FB page na Unofficial Toni G ay nasa 12M na agad.
Umabot sa 11.9K and still counting ang mga komentong nagpakita ng suporta kay Toni.
Ayon kay @iamjowndp, "No matter how many people will cancel you, you’re still one of the artists I’d always look up to. No need to prove anything to anyone because you already are a LEGEND!”
Gayundin si @garcia_jimboy, “Bilib ako sa paninindigan n'yong mag-asawa. 'Di kayo takot ma-bash kahit ng mga kaibigan n'yong artista dahil sa paninindigan n'yo sa desisyon sa buhay.
More supporters sa inyo!"
Sabi naman ni @10sevetinp, “THEY CANNOT PUT A GOOD WOMAN DOWN!!!"
May ilang nakausap din kaming taga-Kapamilya na sukdulan talaga ang galit sa ginawang pagpapakilala ni Toni kay Mr. Rodante Marcoleta at inilabas nila ito sa kanilang social media account.
Pero may nakausap kaming taga-ABS-CBN na nagsabi ng, “Extra painful, pero hindi ako galit. Am feeling bad lang for her. Am not even hurt. Am worried for her. Bakit hindi niya na-check ang truth bago siya namili ng kakampihan? Bakit pati si Marcoleta na alam niyang nagpasara ng tahanan niya? Am worried for her values and her character.”
At hindi nag-post ang kausap naming taga-Kapamilya dahil, “'Di ako nagpo-post kasi gusto ko one day, makita siya in person. At ang mga parents niya na naging mabuti kong kaibigan. At si Direk Paul na kaibigan ko rin. Am just so sad for them.”
Comments