top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap

Pati mga magulang, pinaglalaruan… CRISTY: VLOG NI ALEX, KAUMAY NA, WA’ NA ‘WENTA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 24, 2022
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | November 24, 2022




Negatibo ang imahe sa mga netizens ngayon ng TV host-vlogger na si Alex Gonzaga-Morada dahil ginawa niyang content na inisnab siya ni Heart Evangelista nang magkita sila sa Milan, Italy.


Pero kalaunan ay binawi rin niya ito na hindi naman totoo dahil hindi naman talaga sila nagkita ng kilalang fashionistang maybahay ni Senator Chiz Escudero. Kaya naman pala hindi siya pinansin ni Heart kasi nga ‘fake news.’


Isa lang ito sa mga topics ng Showbiz Now hosts na sina Nanay Cristy Fermin, Wendell Alvarez at Romel Chika nitong Martes nang hapon.


Inamin ng kilalang manunulat na sa loob nang tatlong taon ay pinapanood niya kasama ng kanyang mga anak ang YouTube channel ni Alex.


“Ako kasi, ‘yung unang tatlong taon ng pagba-vlog ni Alex Gonzaga, aliw na aliw ako talaga, sumusubaybay kami ng aking mga anak.


“Pero napapansin ko, parang ilog, natutuyuan din ng tubig kapag tag-araw, parang kinakapos sa content kaya kung anu-ano na lang ang nagiging laman,” bungad ni ‘Nay Cristy sabay hingi ng opinyon ni Romel Chika.


“Dumarating din talaga ‘yung umay factor na nakakalungkot kasi siyempre, sa tagal-tagal ba naman na paulit-ulit na lang at ‘yung ginagawa niya, ginagawa rin ng lahat, kaya ang nangyayari, wala na lang talaga. Ultimo pumasok sa pagba-vlog ang kanyang pamilya, isinasama na, ‘di ba, napapansin ng lahat.


“Niloloko niya ‘yung nanay niya, tiyuhin niya, tatay niya, lahat sila! Na hindi na ikinatutuwa ng lahat, ‘di ba?” punto de vista ng co-host ni ‘Nay Cristy.


Ayon naman kay Wendell, “‘Yun nga, trending talaga siya (Alex), taas ng views. Pero ngayon, parang nakikita ko, wala na siya sa top 10 (most viewed), naligwak na siya, samantalang dati, nasa top siya, hindi bumababa kasi inilalabas ng YouTube kung sino (top YouTuber) rito sa Pilipinas. Ang napansin ko, Tita Cristy, ‘yung pina-prank mo ang nanay mo, parang hindi gusto ng mga viewers kasi hindi gusto na pati nanay mo, lolokohin mo.”


“Oo, ‘yung respeto (nawala),” sambit ni Nanay Cristy.


Dagdag pa, “Totoo naman po ‘yung mga komento na nababasa natin, lumalampas na po si Alex sa linya ng kagandahang-asal. Marami na po siyang ginagawa na hindi katanggap-tanggap ng publiko lalo ng kanyang mga viewers. Naghahanap po ng bago (viewers) pero ang kanya pong ibinibigay ay taliwas po sa inaasahan ng kanyang manonood.”


Sabi naman ni Romel Chika, “Opo, ang nangyayari na lang, ‘Ito na ba? Ito na lang ba ‘to?’ At saka hindi na nagiging magandang example ito sa mga manonood. Ano ‘to? Wala nang limitasyon, wala nang nanay, wala nang tatay, wala nang kapatid, wala nang ateng turingan, basta lang mairaos ang content niya?”


Hirit ni ‘Nay Cristy, “At wala nang asawa?”


“Wala nang asawa, wala nang pribado kaya ‘pag wala na, ang lungkot kapag wala na ‘yung ginagawa niyang pampa-prank,” katwiran ni Romel.


Kapag nasa ibang bansa kasi ang pamilya Gonzaga ay pinaglalaruan ni Alex ang magulang niya bilang content ng vlog.


“Nakakahinayang!” sabi ni ‘Nay Cristy. “‘Yung pagba-vlog po ni Alex Gonzaga ay daig pa po nito ‘yung kumikita siya sa pelikula at telebisyon. Napakataas po ng kanyang kinikita. Buhay na buhay, napakalaki po ng kinikita niya buwan-buwan kaya lang ‘yung umay factor po.


“‘Yung creative juices po na tinatawag natin, kinakapos na po talaga sa content. Eh, ano ba ang ilalaman kung wala na talaga? Nasaid na ang kaban, ‘di ba?”


Sabi pa ni Romel Chika, “Saka, napagdaanan na niya (Alex) ito nang ilang taon, dapat lume-level-up na, may matutunan na ang viewers niya na hindi panay kalokohan lang. Hindi, eh, kung paano siya nagsimula all throughout, ganu’n pa rin.”


Bukas ang BULGAR sa panig ni Alex Gonzaga-Morada.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page