Pati dayuhan gumagamit ng pekeng RT-PCR test result, tsk!
ni Ryan Sison - @Boses | June 27, 2021
Matagal nang problema sa bansa ang patuloy na paglaganap ng pekeng RT-PCR test result na ginagamit upang makalusot sa mga checkpoint.
At sa kabila ng parusa na puwedeng kaharapin ng mga gumagawa nito, heto at patuloy pa rin sa pamemeke ng naturang dokumento ang ilan nating kababayan.
Pero hindi lang ‘yan, dahil kamakailan, huli ang nasa 23 Chinese nationals, kasama ang anim na Pinoy matapos magpakita ng pekeng RT-PCR test result sa lungsod ng Ilagan.
Ayon sa opisyal ng lungsod, una silang nakatanggap ng impormasyon kaugnay sa namataang Chinese nationals kaya naghigpit sila sa mga checkpoint. Bagama’t nagpakita ng travel documents ang mga Chinese na sakay ng tatlong sasakyan, lumabas sa beripikasyon na peke ang resulta ng kanilang RT-PCR test.
Gayunman, dalawang ospital sa Maynila ang nakasaad kung saan isinagawa ang RT-PCR test sa mga Tsino, ngunit kapansin-pansin umano na mali ang sequencing ng number ng kanilang result.
Base sa passport ng mga ito, turista ang mga dayuhan at layunin nilang kumuha ng driver’s license sa lungsod. Pero ang ipinagtataka ng mga opisyal ng lungsod, nakabase sa Maynila ang kanilang agency at napakalayo ng Ilagan City para sa pagkuha ng lisensiya.
Kapag ang mga kababayan natin ang gumagamit at namemeke ng RT-PCR test result, nadidismaya tayo, kaya paano na lang kapag dayuhan pa ang gumawa nito?
Nakalulungkot dahil sa gitna ng pandemya, walang patawad ang mga ito at masaklap pa, ang lalakas ng loob nilang gumawa ng ilegal sa ating bayan.
Kaya pakiusap sa mga dayuhan, kung narito kayo sa ‘Pinas para magbigay lang ng panibagong mga problema, utang na loob, lumayas kayo rito.
Samantala, pakiusap sa ating mga kababayan, magsilbi tayong ehemplo sa bawat isa. Kumbaga, ipakita nating kaya nating sumunod sa mga umiiral na health protocols para tularan ng mga dayuhan.
At paalala sa mga kiauukulan, ‘wag magrelaks-relaks sa mga checkpoint dahil oras na makalusot ang mga pasaway na biyahero, malaking problema ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments