top of page

Patas na pagdinig, patas na serbisyo para sa bawat Pilipino

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 8, 2021
  • 3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 08, 2021



Nagsimula na ang “-ber months” at mainit nating tinanggap ang papalapit na Kapaskuhan sa ating bansa. Nakalulungkot man na dumarami pa rin ang COVID-19 cases, mabuting balita namang karamihan dito ay mild o asymptomatic lamang dahil marami na rin sa ating mga kababayan ay bakunado na.


Patuloy ang ating pagbabakuna upang maprotektahan ang ating populasyon at matigil ang chain of severe infection. Sa tulong nito, nababawasan natin ang malubhang epekto ng COVID-19 o hindi naman kaya ay pagkamatay.


Kaya nananawagan tayo sa mga kabilang sa mga priority groups na magpabakuna na laban sa virus alinsunod sa ating national vaccination program. Ang pagbabakuna ay ang pinakaepektibo nating panlaban kontra sa COVID-19.


Hinihiling natin sa gobyerno na baka puwedeng tingnan ang pagbibigay-insentibo sa mga taong nabakunahan na tulad ng mas maluwag na restrictions o di kaya ay ang pag-iimplementa ng vaccine bubble sa piling mga lugar. Kapag mas dumami sa ating populasyon ang nabakunahan, mas mabilis nating maaabot ang population protection at pati na rin ang herd immunity.


Dagdag pa riyan ay umaapela rin tayo sa gobyerno na mapalawak na ang vaccine rollout upang marating ang iba pang sektor ng ating populasyon na hindi pa kabilang sa prayoridad. Marami sa kanila ay naghihintay na lamang ng kanilang panahon na puwede ng mabakunahan kung kaya’t huwag natin sayangin ang oras. Bakunahan na natin ang mga puwedeng bakunahan upang mas marami pa tayong maproteksiyunan at mailigtas na buhay.


Habulan ang laban na ito. Huwag nating hayaang maunahan pa sila ng COVID-19 bago sila mabakunahan. Maging patas tayo sa mga gustong magpabakuna.


Maliban pa rito, bigyan natin ng sapat na suporta ang medical frontliners. Bawat araw ay nasa panganib ang kanilang buhay. Siguraduhin nating mabibigyan ang lahat ng qualified health workers ng Special Risk Allowance (SRA) at iba pang insentibo o benepisyo na naaayon sa batas.


Lahat naman ng health workers na naka-duty ay maituturing na exposed sa banta ng COVID-19. Hindi nakikita ang kalaban kung kaya’t mahirap paghiwalayin pa kung sino ang exposed at sino ang hindi. Kaya tayo umaapela na maging flexible sa pag-iimplementa ng nakasaad sa batas at kung kakayanin ng pondo ay bigyan na ang lahat nang qualified ng fixed na amount ng SRA kaysa bilangin pa natin ang kanilang pag-duty bawat araw.


Tandaan natin na bukod sa mga pasyenteng inaalagaan nila, may mga pamilya rin silang binubuhay. Maging patas tayo sa mga health workers na dapat makatanggap ng benepisyo.

Sa usaping Senado naman, buo ang ating suporta sa mga imbestigasyon tungkol sa tamang paggamit ng ating pondo laban sa COVID-19. Wala silang lugar sa administrasyong ito. Kung may mapatunayan man na may katiwalian ngang nagawa ang isang tao, kahit sino man ‘yan, dapat sampahan agad ng kaso upang maparusahan.


Ang hiling lang natin, sana ay gawin ito sa paraang patas at walang halong pulitika. Kawawa naman ang mga kawani ng gobyerno na matinong nagseserbisyo pero pilit na nadadamay dahil sa intriga lamang. Kung may kasalanan, panagutin at ikulong! Pero kung haka-haka lamang, mas mabuting bigyan muna ng oportunidad na linawin ang mga isyu upang malaman ang katotohanan. Maging patas tayo sa pagdinig at sa panghuhusga.


Huwag din nating hayaang maapektuhan ng intriga at pulitika ang ating pangkalahatang hangarin na malampasan ang krisis at pandemya. Buhay ng tao ang nakasalalay rito kaya dapat tuluy-tuloy lang ang pagpapatupad ng mga programa tungo sa ating muling pagbangon bilang nagkakaisang bansa.


At habang patuloy ang ating kampanya laban sa korupsiyon, kriminalidad at ilegal na droga, patuloy naman tayo sa pagsusulong ng mga panukalang-batas para mas lalong mapalakas ang ating mga serbisyo para sa tao lalo na ‘yung mga kababayan nating hirap na at walang ibang matakbuhan. Maging patas din tayo sa pagbibigay-serbisyo.


Kaya noong Setyembre 6, 2021 ay pinangunahan ko ang isang hearing ng Senate Committee on Health upang talakayin ang iba’t ibang panukala, katulad ng pagpapatayo ng limang ospital, pag-upgrade ng 12 local hospitals at pag-renationalize ng walong ospital. Tinalakay rin ang mga panukala hinggil sa traditional and alternative healthcare system bilang tugon sa panawagang mas mapabuti ito at mas maproteksiyunan ang mga kababayan natin, lalo na sa mga liblib na komunidad na malayo sa pormal na mga pagamutan.


Bilang inyong Senador at lingkod bayan, ipinapangako nating walang Pilipino ang maiiwan sa laban na ito. Patuloy tayong magmamalasakit, lalo na sa mga nangangailangan upang makapagbigay ng patas na serbisyo para sa lahat tungo sa mas komportableng buhay at mas masaganang kinabukasan para sa bawat Pilipino!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page