Pasugalan ang dahilan kaya tumataas ang COVID cases
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 16, 2021
KAY P-DUTERTE KAYA NAKUHA NG CHINA ANG IDEYANG KAPIRASONG PAPEL LANG ANG PAGKAPANALO NG PILIPINAS SA UNCLOS?—Diretsahan nang sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Zhao Lijian na “piece of waste paper” lang ang dokumentong kaloob ng United Nations Convention in the Law of the Sea (UNCLOS) sa Pilipinas kaugnay sa pagkakapanalo ng mga Pilipino sa arbitration case laban sa China.
Saan naman nakuha ng China ang ideya nang ganitong uri ng statement — kay P-Duterte kaya?
Ganyan din kasi ang sinabi ni P-Duterte noong May 6, 2021, nang mabuwisit siya sa mga Pilipino na nananawagan sa kanya na umaksiyon sa pananakop ng China sa West PH Sea, na ang sabi ng pangulo ay “Ang papel, wala ‘yan... Actually... Bigay mo sa ‘kin ‘yan, sabihin ko ‘p*t*ng i*a papel lang ‘yan. Itatapon ko ‘yan sa waste basket”, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
SINO ANG TRAYDOR — SI P-DUTERTE O SI DEL ROSARIO?—Matapos sabihin ni dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na traydor sa Inang Bayan si P-Duterte dahil dedma lang sa pananakop ng China sa West PH Sea, agad itong sinopla ni Presidential spokesman Harry Roque si Del Rosario na kesyo ito ang traydor dahil ito ang nag-utos sa Philippine Navy (PN) na umatras sa naganap na standoff noong 2012 sa pagitan ng puwersa ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal.
Hindi pagtatraydor ang tawag d’yan, kundi sumusunod lang sa napagkasunduang usapan para iwas-gulo, parehong aalis ang puwersa ng Pilipinas at China, kaya lang hindi tumupad sa usapan ang China.
Ang tanong: Sino ba ang traydor? Si P-Duterte na nagsabing kapirasong papel lang na puwede niyang itapon sa basurahan ang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitration case laban sa China o si Del Rosario na buimabatikos sa pananakop ng China sa West PH Sea? Period!
◘◘◘
DAHIL SA SUGAL KAYA DUMAMI NA NAMAN COVID CASES SA 7 LUNGSOD SA METRO MANILA—Pitong lungsod sa Metro Manila ang iniulat ng Department of Health na biglang dumami ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19, ang mga lugar na ito ay ang Manila, Muntinlupa City, Makati City, Malabon City, Navotas, San Juan at Mandaluyong City.
Darami talaga magkaka-COVID sa mga lugar na ‘yan kasi mula nang mag-open ang mga pasugalang STL (Small-Town Lottery) at lotteng ay dumami na rin ang mga kubrador na nagbahay-bahay at nagkakaroon ng close contact sa mga mananaya sa pitong lungsod na ‘yan, boom!





Comments