Pasok na sa final reading... Sen. Go, pinuri ang mga kapwa senador sa Eddie Garcia Bill

ni Angela Fernando - Trainee @News | February 20, 2024

Pinuri ni Senador Christopher "Bong" Go ang pag-apruba sa Senate Bill No. 2505, o Eddie Garcia Bill sa ikatlong pagbasa nito nu'ng Lunes, Pebrero 19.
Ang panukalang batas na ipinangalan sa yumao at beteranong aktor na si Eddie Garcia ay may layong pagtibayin ang proteksiyon at benepisyo para sa mga nasa industriya ng entertainment.
Ipinaabot ni Go sa isang pahayag ang kanyang pasasalamat sa mga kasamahang senador para sa pagtataguyod ng nasabing bill bilang co-author nito.
Saad niya, "I commend the good sponsor, Sen. Jinggoy Estrada, for his decisive pursuit to help our workers from movie and entertainment industry. Mga idol ko po ito noon, bata pa ako. I would like to congratulate Senator Robinhood Padilla who is the principal author of the measure, idol ko rin po ito noong bata pa ako."
Kinilala rin ni Go ang mahalagang papel ng sektor ng entertainment sa paghubog ng kulturang pambansa sa pamamagitan ng sining at ang ambag nito sa lokal na ekonomiya.
Binigyang-diin ng senador ang patuloy niyang suporta para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) bilang miyembro ng Executive Committee at nagbalik-tanaw sa mga oras na nakasama niya ang yumaong Eddie Garcia, na siya ring naging inspirasyon ng batas.
Nagpasalamat din siya kay Lilibeth Romero, ang matagal na partner ng yumaong aktor, at maging sa mga artistang dumalo sa huling pagbasa ng batas bilang suporta rito tulad ng mag-asawang sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, Pops Fernandez, Martin Nievera, Phillip Salvador, Iza Calzado, former FDCP Chairwoman Liza Dino at iba pa.
Isinusulong din ni Go, isang miyembro ng Senate Committee on Public Information, ang pagpasa ng Senate Bill No. 1183 o "Media and Entertainment Workers Welfare Act" na naglalayong palakasin ang proteksiyon ng mga manggagawa sa media at industriya ng entertainment.
Bilang isang movie fan mula pagkabata, malapit ang puso ni Sen. Bong Go sa entertainment industry kaya isa siya sa mga patuloy na sumusuporta sa mga hakbang para sa ikabubuti ng mga artista at manggagawa sa industriya.





Comments