top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Paskong panalo sa Clippers; Nets, nagwagi vs. Warriors

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 24, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 24, 2020





Nagpakita agad ng determinasyon ang bumibisitang Los Angeles Clippers upang gulatin ang defending champion Los Angeles Lakers, 116-109, sa pagbubukas ng 2020-2021 National Basketball Association (NBA) kahapon sa Staples Center. Kahit minsan ay hindi nakatikim ng lamang ang mga kampeon sa gitna ng mainit na laro nina Paul George at Kawhi Leonard.


Umarangkada agad ang Clippers matapos ang first quarter, 39-17. Minsan lang natabla ng Lakers ang laban, 75-75, matapos ang tira ni Dennis Schroder na may limang minuto sa third quarter subalit sinagot ito agad ni Leonard na hudyat ng paglayo muli ng Clippers.


Ipinasok ni George ang limang tres para magtapos na may 33 puntos. Tinulungan siya ni Leonard na may 26 puntos.


Nanguna para sa Lakers si LeBron James na may 22 puntos, 5 rebound at 5 assist habang may 18 puntos at 7 rebound si Anthony Davis. Naghatid ng 17 points at 10 rebounds ang dating Clipper na si Montrezl Harrell.


Samantala, iginawad sa Lakers ang kanilang mga singsing sa seremonya kung saan nag-abot ng mensahe ang kanilang mga pamilya bago nila isinuot ito. Hindi naman inakyat sa kisame ang bandera na palatandaan ng kanilang ika-17 kampeonato at gagawin ito oras na payagan manuod muli ang publiko at makibahagi sila sa espesyal na okasyon.


Sulit ang naging isang taon ng paghihintay kay Kevin Durant na magpagaling ng pilay at sinuklian ito ng dating MVP sa kanyang pagtulak sa bago niyang koponan Brooklyn Nets kontra sa dati niyang mga kakampi sa Golden State Warriors, 125-99, sa sa Barclays Center. Naitala din ni Steve Nash ang kanyang unang panalo bilang head coach ng Nets matapos ang maningning na karera bilang manlalaro.


Kinailangan lang ni Durant ang isang minuto upang uminit at ipinasok niya ang tres na sinundan ng isa pang buslo upang ibigay sa Nets ang kalamangan, 7-4, at hindi na nila binitiwan ito. Mula roon ay nagtulungan sina Durant at Kyrie Irving na palayuin lalo sa kanilang pinagsamang 27 puntos para tapusin ang first quarter na lamang ng 15, 40-25, at lumaki ito hanggang 38 puntos sa fourth quarter, 116-78, matapos ang tres ni Timothe Luwawu-Cabarrot.


Nagtapos si Irving na may 26 puntos at sinundan ni Durant na may 22. Nag-ambag ang reserbang si Caris LeVert ng 20 puntos, siyam na rebound at limang assist.


Nanguna si Stephen Curry para sa Warriors na may 20 puntos at 10 assist. Sumunod ang rookie sentro na si James Wiseman na may 17 puntos at anim na rebound habang nagdagdag ng 13 puntos si Andrew Wiggins, ang anak ng dating Ginebra import Mitchell Wiggins.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page