Pasaway na motorista, ipaskil ang pangalan para magtanda
- BULGAR

- Aug 28
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 28, 2025

Matagal nang dapat naging mas mahigpit ang gobyerno sa pagsupil sa mga pasaway na motorista. Ang dami nang buhay ang nasayang at aksidenteng naiwasan sana kung naging mas responsable lang ang ilan sa paghawak ng manibela.
Kaya naman nais ng Department of Transportation (DOTr) ilunsad ang ‘shame campaign’, na layong ipatupad ang lingguhang pagpapalabas ng mga pangalan ng mga may mabibigat na traffic violations, kung saan isa itong makabagong paraan ng pagpapaalala.
Sa ilalim ng panukala, ilalabas ng DOTr at Land Transportation Office (LTO) ang listahan ng mga motorista na nahuli sa seryosong paglabag gaya ng reckless driving, paggamit ng pekeng dokumento, at iba pang offense na direktang banta sa kaligtasan.
Gayunman, hindi kasama rito ang mga minor violation gaya ng illegal parking o hindi paggamit ng seatbelt, kundi ‘yung talagang may mabigat at nagdulot ng panganib sa publiko. Matatandaang sa nakaraang anim na buwan, mahigit 2,000 show cause orders ang inilabas at 420 lisensya ang tuluyang binawi dahil sa paulit-ulit na paglabag. Ibig sabihin, kahit gaano karami ang multa at kaso, may mga driver pa ring hindi natitinag at totoong abusado.
Kaya marahil, kahihiyan naman ngayon ang gagamiting sandata, para magtino ang mga walang habas magmaneho sa lansangan.
Subalit, hindi lahat sang-ayon na tama ang public shaming dahil maaari raw nitong labagin ang karapatang pantao ng motorista. May ilan ding nagsasabing baka lumampas ito sa hangganan ng tinatawag na due process.
Pero kung titingnan ang kalagayan sa kalsada, mga aksidenteng idinulot ng iresponsableng mga driver at maraming inosenteng nadadamay, masasabing panahon na rin para gumamit ng mas matinding disiplina at mabigat na parusa.
Sa ganang akin, mas naniniwala akong dapat unahin ang edukasyon at tamang training sa pagmamaneho. Gayunpaman, kung sa kabila ng lahat ay patuloy pa rin ang mga pasaway at violators, siguro tama lang na gamitin ang hiya bilang panlaban sa mga abusado. Tandaan natin na disiplina pa rin ang pinakaugat ng kaligtasan sa kalsada. Kung hindi kayang matutunan sa multa, siguro matututunan ito kung ipapamukha sa kanila.
Ang tunay na solusyon ay hindi lamang nasa listahan ng DOTr kundi nasa konsensiya ng bawat motorista. Kung lahat ay marunong rumespeto sa batas at sa kapwa, hindi na kakailanganin ang shame campaign. Pero habang wala pa roon ang ating kultura’t pag-iisip, marahil ito muna ang paraan para mapigil ang mga pasaway at banta ng panganib sa ating mga lansangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments