Parusa sapaglabag sa Gift Check Act of 2017
- BULGAR
- 3 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 19, 2025

Isa sa mga pangunahing patakaran ng Estado ay ang pagbibigay ng proteksyon sa interes ng mga mamimili, pagtataguyod ng pangkalahatang kapakanan, at pagtatakda ng mga pamantayan ng pag-uugali para sa negosyo at industriya. Kaya naman ipinasa ang Republic Act (R. A.) No. 10962 na may titulong Gift Check Act of 2017.
Alinsunod dito, ang Estado ay marapat na isulong at hikayatin ang patas at tapat na ugnayan sa pagitan ng mga partido sa transaksyon ng mga mamimili at protektahan ang mga ito laban sa mapanlinlang, hindi patas, at walang konsensyang mga gawain at gawi sa pagbebenta. Titiyakin din nito na ang pinakamahusay na interes ng mamimili ay isinasaalang-alang sa interpretasyon at pagpapatupad ng mga probisyon dito, kasama ang mga tuntunin at regulasyon sa pagpapatupad nito.
Sa pagpapatupad ng layuning ito, kinikilala ng Estado, sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI), na ang isang gift check ay kumakatawan sa halagang hawak ng pinagbigyan nito at na ang mga mamimili ay hindi dapat labis na pagkaitan ng halaga ng kanilang pera. Ang gift check, na tinutukoy din bilang gift certificate o gift card, ay anumang instrumento na ibinibigay sa sinumang tao, natural o juridical, na mayroong monetary consideration o halaga bilang pambayad para sa mga consumer goods o services.
Ito ay maaaring nasa anyo ng papel, card, code, o iba pang device, at mananatiling may bisa hanggang sa pagtigil ng negosyo ng nagbigay nito. Samantala ang coupon o voucher ay anumang instrumento na ibinibigay sa sinumang tao, natural o juridical, na mayroong monetary consideration at kung hindi man, ay nagbibigay ng karapatan sa may-ari nito ng diskwento sa isang partikular na produkto o serbisyo, o maaaring ipagpalit para sa isang paunang natukoy na produkto o serbisyong tinukoy sa nabanggit na coupon o voucher.
Subalit hindi lahat ng gift check ay sinasakop ng batas na ito. Ang mga gift checks na ibinibigay para sa loyalty, rewards o promotional programs ay hindi sakop ng batas na ito. Hindi rin kasama ang mga coupons at vouchers sa probisyon ng batas.
Ang mga promotional activities sa pagbebenta, loyalty programs at mga warranty, mga return policies para sa cash purchases, at maging ang mga diskwento na ibinibigay para sa mga senior citizen at persons with disability (PWD) alinsunod sa kaugnay na batas, mga tuntunin at regulasyon, ay dapat ding ibigay sa mga pagbili ng mga pangangailangan at serbisyo na ang ginamit na pambayad ay gift check.
Sang-ayon sa Gift Check Act, itinuturing na labag sa batas ang mga sumusunod na gawain:
(a) Pag-isyu ng gift check na may expiration date;
(b) Pagpapataw ng petsa ng pag-expire sa natitirang halaga, kredito, o balanse ng gift check; o
(c) Pagtanggi na igalang ang hindi nagamit na halaga, kredito, o balanseng natitira sa nasabing gift check.
Ang sinumang tao na mapatutunayang lumabag sa probisyon ng batas na ito ay mapapatawan ng kaparusahan sa ilalim ng batas na ito kung saan nakasaad sa Seksyon 11 nito na:
“Any person, natural or juridical, who violates the provisions of this Act shall be obligated to return the unused balance of the gift check within ninety (90) days from the declaration of the violation by the DTI and shall be subject to a fine to be imposed by the Secretary of Trade and Industry, which shall in no case be less than five hundred thousand pesos (P500,000.00) nor more than one million pesos (P1,000,000.00): Provided, that for the second offense, in addition to the fine, the issuance of gift check by the offending issuer shall be suspended for three (3) months: Provided, further, that for the third offense, in addition to the fine, the issuance of gift check by the offending issuer shall be cancelled.”
Comments