Parusa sa panunulot sa kasong hawak ng public attorney's office
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 5, 2022
Dear Chief Acosta,
Lumapit ako sa inyong Tanggapan at ako ay ginawan ninyo ng kaukulang position paper. Nilapitan naman ako ng private practitioner nang ako ay magpapasa na ng pleading na ito sa National Labor Relations Commission (NLRC) at sinabi niyang walang kuwenta ang inyong ginawa at ipinabasura niya ito. Pinalitan niya ang position paper ng kanyang ginawa at sinabing siya na ang aking abogado dahil tiyak na mas mahusay siya kaysa sa na-assign sa akin buhat sa inyong Tanggapan. Nang matalo ang aking kaso, nangako siyang iaapela ito, subalit nalipasan na ng panahon at ngayon ay itinatanggi na niyang siya ang aking naging abogado. Maaari ko ba siyang ireklamo dahil dito? - Dindo
Dear Dindo,
Para sa inyong kaalaman, ang pinakabagong kasong napagdesisyunan ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema na may pamagat na MARCELINA ZAMORA vs. ATTY. MARILYN V. GALLANOSA (A.C. No. 10738; 14 September 2020, Ponente: Honorable Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe) ay naangkop sa inyong sitwasyon.
Maliwanag na ipinabatid ng Kagalang-galang na Korte Suprema sa nabanggit na kaso na:
“Time and again, lawyers are reminded that the practice of law is a profession and not a business; lawyers should not advertise their talents as merchants advertise their wares. To allow lawyers to advertise their talents or skills is to commercialize the practice of law, degrade the profession in the public's estimation and impair its ability to efficiently render that high character of service to which every member of the bar is called. Thus, lawyers in making known their legal services must do so in a dignified manner. They are prohibited from soliciting cases for the purpose of gain, either personally or through paid agents or brokers.”
xxx xxx xxx
Settled is the rule that a lawyer should not steal another lawyer’s client nor induce the latter to retain him by a promise of better service, good result or reduced fees for his services. It is undisputed that respondent was aware of the professional relationship between the PAO and complainant/her husband with respect to the labor case, yet, she assumed the drafting of a new position paper, especially to replace the one originally filed by the PAO.”
(Binigyang-diin.)
Sa inyong sitwasyon at maliwanag sa nabanggit na kaso, ipinagbabawal sa mga abogado ang mangalap ng kaso gamit ang pagyayabang sa kanilang abilidad o talino. Ang panunulot din ng kasong hinahawakan na ng ibang abogado ay pinarurusahan bilang alituntunin ng propesyon. Kaakibat ng serbisyo ng abogado ang pagiging tapat at maingat sa paghawak ng mga kaso at kung inyong mapatutunayan ang naging kapabayaan ng inyong abogado kaugnay ng inyong kaso, maliban sa kaniyang ginawang pangangalap at panunulot ng kaso, ay maaari ninyong maidulog ang inyong sitwasyon sa Tanggapan ng Bar Confidant na nasa ilalim ng Kataas-taasang Hukuman o Supreme Court.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments