top of page

Parusa ang dapat para sa mga sangkot sa flood control, hindi immunity

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 16, 2026



Boses by Ryan Sison


Huwag hayaan na mauwi sa huwad na hustisya ang isa na namang malaking iskandalo sa gobyerno, lalo na kung ang nakataya ay bilyun-bilyong pisong pondo na dapat sana’y nagsilbing panangga ng taumbayan laban sa baha at maayos sanang mga imprastraktura. 


Ito ang mariing paninindigan ng National Institute for Transparency and Accountability (NITA) laban sa posibilidad na gawing state witness ang mga pangunahing sangkot sa anomalya sa flood control projects. 


Para sa grupo, ang ganitong hakbang ay hindi paglilinis ng sistema kundi posibleng pagprotekta sa mga utak ng katiwalian.


Ayon sa Executive Director ng NITA, malinaw na ang tunay na katarungan ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng pagbibigay ng immunity sa mga pangunahing arkitekto ng anomalya. 


Giit nila, kailangang managot ang mga nagdisenyo, nagpatakbo, at nagpakilos ng multi-bilyong pisong kickback scheme, hindi gawing kasangkapan upang isalba ang sarili. 

Partikular na tinutulan ng NITA ang anumang plano na gawing state witness ang isang dating opisyal ng DPWH, na itinuturong sentral na operator sa paglipat at maling paggamit ng pondo ng bayan.


Batay mismo sa mga pahayag at pag-amin ng dating opisyal, sinabi ng NITA na malinaw na hindi siya simpleng kasabwat. 


Sa sariling salaysay umano ng dating opisyal, bilyun-bilyong piso ang dumaan sa kanyang kamay—isang indikasyong siya ang may direktang kontrol sa daloy ng pondo. 

Para sa NITA, hindi maaaring gawing gantimpala ang immunity para sa isang itinuturong mastermind. Ang ganitong hakbang ay tila insulto sa taumbayang patuloy na nagdurusa sa pagbaha at sirang imprastraktura.


Bukod sa dating opisyal, nabanggit din ang mga pangalan mula sa Bulacan District Engineering Office, na iniulat na kabilang sa mga posibleng gawing state witnesses matapos makapagbalik ng malaking halaga ng pera at ari-arian. 


Bagama’t mahalaga ang pagbabalik ng yaman, iginiit ng NITA na hindi ito dapat magsilbing tiket para makaiwas sa buong pananagutan ng batas.


Nanawagan ang grupo sa pamahalaan na unahin ang interes ng taumbayan sa pamamagitan ng agarang pagbawi ng mga ari-arian, pag-freeze ng bank accounts, at pagsamsam ng lahat ng financial assets ng mga sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. 


Dagdag pa ng NITA, mas mahalaga ang maibalik ang ninakaw na pondo kaysa sa mabilis ngunit mababaw na resolusyon ng kaso.


Ang laban kontra-katiwalian ay hindi dapat maging negosasyon kung sino ang lalaya kapalit ng impormasyon. Para sa taumbayan, ang hustisya ay nakikita sa malinaw na pananagutan at konkretong pagbawi ng yaman. 


Kapag ang mga “utak” ng anomalya ay pinalulusot, paulit-ulit na babaha—hindi lang ng tubig kundi ng galit at kawalan ng tiwala ng mamamayan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page