top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Paris Olympics at ang tunay na kadakilaang Pinoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 12, 2024
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 10, 2024



Fr. Robert Reyes

Ngayong tapos na ang 2024 Paris Olympics, alam na natin kung sinu-sino ang mga nagwagi at mag-uuwi ng mga medalya, kaya maaari na tayong kumalma at tumingin ng mas maayos sa lahat ng mga nangyari. Lubhang masaya at nag-uumapaw ang pasasalamat sa dalawang ginto at dalawang tansong nakamit ng tatlo sa ating mga atleta. 


Salamat kay Carlos Yulo, sa dalawang gintong handog mo sa Diyos at sa Inang Bayan. Gayundin kina Aira Villegas at Nesthy Petecio, sa tig-isang tanso. Ito na ang pinakamasaya’t pinakamayamang Olympics na nadaluhan ng Pilipinas. 


Hindi ninyo alam kung gaano kasaya ang ating mga kababayan sa regalong handog para sa aming lahat. Hindi lang kayo ang nagtagumpay at ilang mga atletang Pinoy na nagtungo sa Paris at nanalo. Lahat kayo para sa amin ay wagi dahil kasama ninyo kami sa inyong pangarap at pagsisikap sa mga araw na nagdaan.


Dakila kayong lahat dahil malayo pa ang Olympics ay wala nang tigil ang inyong pag-eensayo at sakripisyo. Alam namin ito, lalo na ang mga kababayang nagsikap din sa iba’t ibang sinalihang sports. Madaling magpraktis para lang sa personal, pero iba ang ensayong ito dahil nais ninyong lumaban at manalo. Kailangan ninyong maging magaling at matutunan ang lahat hinggil sa partikular na sport para matagumpay na maharap at matalo ang sinumang kalaban. 


Hindi lang lakas, galing, tatag ng katawan ang kailangan kundi ang tibay ng isipan, damdamin, diwa at maging ang kaluluwa. Ang tunay na atleta ay buo at magaling sa isip, puso, diwa, kaluluwa at katawan. Bawat atleta ay sumasagisag sa inaasam-asam na paglago, paghubog at tagumpay ng bawat mamamayan. Kaya kung merong mananalong Pinoy o Pinay sa anumang paligsahan sa sport o iba pang larangan, ang taumbayan na rin ang mistulang nanalo at nagtagumpay. Posibleng manalo, maging magaling at bukod tangi ng mamamayang Pilipino.


Salamat din sa lahat ng nagsikap at nagbigay ng sarili, sa kabila ng hindi pag-uwi ng medalya dahil sa pagkatalo. Meron pa ring kakaibang kadakilaan kayong handog sa inyong bayan. 


At ito ang laman ng tulang kinatha ni Rio Alma para kay EJ Obiena at sa inyong lahat.


Pasyon kay EJ at sa mga atletang Pinoy sa Paris Olympics


Salamat EJ Obiena

At sa lahat ng natalo

Ang mahalaga’y ang laban

At punyaging pinakita

ng Pinoy sa buong mundo.

 

Hindi bale ‘di ka bigyan

Ng pabuya at parada

Ng negosyante’t ng trapo.

Dibdib nami’y umaapaw

Ang ligayang ika’y bida.

                                                     

Ni hindi mo sinuko

Ang bandila ng iyong bayan.

Sa pangakong pagtangkilik

Hindi ka rin pinayuko.

 

Sinulat din ng isang kilalang writer ang tungkol sa pagkapanalo ni Carlos Yulo, “Celebratory o Predatory?”  


Nagtanong si Ambeth Ocampo kung bakit kasabay ng pagdiriwang ay ganoon na lamang ang pagsakay ng kung sinu-sino, malaki at maliit sa luwalhati ni Carlos Yulo.  

Pagkaraan ng labis na galak at muling paghanga sa kabutihan at galing ng mga atletang Pinoy, naglabasan at nagsingawan na ang mga nakahihiyang ugali saan o kaninuman ang mga ito nanggaling. Iyan na ang mga intriga, personal na away at alitan, inggitan at intrigahan, pati na rin ang mabilis na pagmamalasakit kuno ng mga nagmamagaling na nais tumulong. Nakakalungkot na kaybilis mabahiran ng kababawan at pananamantala (predatory) ang kadakilaan ng ilan at ng lahat.


Kaya mahalaga ang paalala sa mensahe ng ginto, pilak, tanso ng nanalo at higit sa lahat ng mga walang uwi kundi mga pusong nagmahal at kaluluwang naniwala at katawang nahirapan. 


Bitbit nila pauwi ay ang paalala na sa ating kaloob-looban, tunay na dakila at mabuti ang mga Pilipino. Hindi lang si Yulo, Villegas at Petecio, kundi ikaw, ako, tayong lahat ang nanalo. Salamat sa inyong lahat dahil maaari na namang mangarap at maniwala ang mga Pinoy na puwede tayong magtagumpay. 

Hindi lang kayo ang mga magagaling na atleta ang dakila, kundi ang lahing inyong pinanggalingan, ang lahing kayumanggi, ang lahing Pilipino!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page