top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Parehong si Direk Brillante ang direktor… GLADYS AT JUDAY, TIE NA SA PAGKA-BEST ACTRESS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 14, 2023
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | April 14, 2023




Pagkatapos manalo ni Judy Ann Santos ng Best Actress sa 2019 Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Mindanao na idinirek ni Brillante Mendoza ay ang matalik na kaibigan naman niya ang nagwagi, si Gladys Reyes.


Sa katatapos na 1st Summer Metro Manila Film Festival nitong Abril 11, 2023 ay si Gladys ang hinirang na Best Actress para sa pelikulang Apag na si Brillante Mendoza rin ang direktor.


Apat na taon ang pagitan nina Juday at Gladys para sa parehong kategorya at ang kuwento ng huli ay nauna siyang magsabi kay Direk Mendoza na isama siya sa pelikula lalo't pareho silang Kapampangan.


"Eh, kasi nga, Cabalen ako. Cabalen siya, nagge-guest siya sa Moments (show sa NET25). Nag-usap kaming Kapampangan. Sabi ko, ‘Direk, dapat naman magkasama tayo.' Nagulat ako nu'ng nalaman kong may Mindanao, hindi pa rin ako 'yun," aniya na ang ibig sabihin ay si Juday nga ang kinuha.


"Pero mas bagay sa akin itong Apag. Kapampangan ako at siyempre, dedicated sa mga Kapampangan," say ni Gladys.


Ang unang Kapampangan film ni Gladys ay ang Magkakabaung noong 2014 na isinulat at idinirek ni Jason Paul Laxamana at si Allen Dizon ang leading man niya na nakasama rin ni Juday sa Mindanao.


Nanalo namang Best Supporting Actress si Gladys sa Gaward Urian noong 2015.


"Gaya ng Apag, Kapampangan film ang Magkakabaung. So, may suwerte ako sa Kapampangan film, pero alangan namang puro Kapampangan na lang ang movie ko?" katwiran ng aktres-TV host.


Samantala, inamin ni Gladys na kinabahan siya noong Gabi ng Parangal dahil dalawang Padilla actresses ang katunggali niya.


"Sinandwich ako ng mga Padilla," tumawang sabi nito.


Tatlo lang kasi silang nominado sa kategoryang Best Actress at kasama niya sina Kylie Padilla para sa Unravel: A Swiss Side Love Story at Bela Padilla para sa ‘Yung Libro Sa Napanood Ko.


"Una talaga, inisip ko, napanood ko 'yung movies nilang pareho, eh. Sabi ko, ‘Ay, iba rin ‘yung galing ng Kylie. Iba rin 'yung galing ng Bela," sambit ng aktres.


Parehong maganda at hindi nalukot ang mga mukha nina Bela at Kylie sa pelikula nila, unlike si Gladys na talagang pumayag siyang maiba ang hitsura niya sa pelikula.


"Ay, oo! Grabe (ang) hitsura ko roon, sobra! Talagang wala akong pakialam," katwiran ng aktres.


At feeling nga namin ay malaking factor ito sa pagkapanalo ni Gladys, na dedma siya sa kalalabasan ng hitsura niya.


Pero wala pala sanang balak dumalo si Gladys sa Gabi ng Parangal.


"Sa totoo lang, wala na talaga dapat akong balak na um-attend. Wala akong balak um-attend, pero may bagong outfit. Hahaha!


"Sabi kasi ni Moises (Fernandez), 'yung TC, 'Mag-present ka naman! Ilalagay kita sa category na main.'


"Kaya sabi ko, 'Okay.' Kasi sayang naman, ginawan na ako ng damit ng sponsor ko para mai-showcase ko. Sige, red carpet! Saka, presenter ako. Pero kung a-attend lang ako na nakatungangey lang ako d'yan, 'wag na, hindi na ako pupunta sana. Buti pala, um-attend ako! Kasi, nanghinayang ako kay Keempee (de Leon)," paliwanag ni Gladys.


Si Keempee de Leon ang nagwaging Best Supporting Actor para sa Here Comes the Groom na hindi nakadalo dahil sa back pain at kasama rin si Gladys sa naturang pelikula.


Samantala, palabas na ng New Frontier Theater ang Best Actress nang madaanan niya kami sa lamesa at binati namin siya habang bitbit ng kasama niya ang malaking tsekeng nagkakahalaga ng P100,000 bilang premyo na bigay ng SMMFF. Ito raw talaga ang napansin niya.


"Natawa nga ako sa sarili ko, eh, kasi 'di ba? Bakit naman hindi? Apat ang anak ko, 'no!" tumawang sabi niya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page