Pareho raw silang deboto ng Nazareno… ANGELINE, SA QUIAPO CHURCH MAGPAPAKASAL
- BULGAR
- Nov 15, 2022
- 4 min read
ni Julie Bonifacio - @Winner | November 15, 2022

Once and for all ay nabigyang-linaw ni Angeline Quinto ang kumalat na balitang ikinasal na siya sa non-showbiz partner niyang si Nonrev Daquina.
Nakausap namin si Angeline pagkatapos ng very successful anniversary concert niya, ang 10Q sa Resort’s World Manila last Saturday.
Kumalat ang tsikang ikinasal na si Angeline nu’ng may nakapansin sa dalawang diamond rings na suot niya.
“Actually, eto... ay! Hindi ko pala suot,” sabay tawa ni Angeline.
Paglilinaw niya, “Hindi pa po ako kasal. Saka kung sakaling kasal na ako, malalaman at malalaman ninyo po ‘yun.”
Plano nina Angeline at Nonrev na magpakasal next year. Ini-reveal din ni Angeline sa amin ang klase ng wedding na gusto niya.
“Uh, Catholic (wedding ceremony) po, Tita. Siyempre po, sa Quiapo. Kasi, marami po talaga akong kaibigang pari ru'n, unang-una. At sila, nagtatanong na rin after nu’ng binyag ni Sylvio kung kailan ako ikakasal. Kasi gusto nila akong tulungan. Saka pareho kasi kami ni Nonrev na deboto ng Nazareno,” pagbubulgar ni Angeline.
Pero kahit pareho raw sila ni Nonrev na mga deboto ng patron sa Quiapo Church, hindi nila isasabay sa Pista ng Nazareno on January 9 ang kanilang kasal.
“Ang dami namang tao noon. Makikigulo pa ako sa kanila. Hahaha! Puwede bang mag-alay muna tayo ng dasal sa Nazareno?” seryosong sabi ni Angeline.
Paniniyak pa ng singer, kakanta siya sa kanyang wedding. At kung mapagbibigyan ang wish niya na kumanta rin sa wedding niya ang kanyang mga idolo, ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez at si Popstar Royalty Sarah Geronimo.
Naitsika rin sa amin ni Angeline na na-meet na niya personally ang magulang ni Nonrev sa US. Isa raw ito sa mga memorable ganap na nangyari sa kanya during her 10Q concert sa US and Canada.

“Siguro, ‘yung isa, ‘yung ma-meet ko ‘yung family ni Nonrev na nasa abroad. Mommy niya, nandoon. Sa ano po, sa New York. Galing po sila ng Virginia. Pero kasi, hindi naman natuloy ‘yung show namin, dapat 12 cities kami. Hindi natuloy ‘yung sa Virginia namin. So, lumipad po sila para makapanood sa akin sa New York,” lahad ni Angeline.
Dugtong pa niya, “Tapos, tinatanong din nila kung kailan ‘yung kasal. Siyempre, hindi ko rin po alam talaga kung ano ang isasagot ko. Kasi marami rin po talaga akong trabaho pa. Ganyan na ganyan, kailan ang kasal?”
Sa loob ng matagumpay na sampung taon niya sa showbiz, ang kanyang 10Q anniversary concert daw ang isa sa mga ipinagpapasalamat niya.
“Kasi kahit na dumaan ang pandemya, nagkaroon pa rin ako ng pagkakataon na makapag-perform para sa mga tao nang live. At siyempre, sa loob ng sampung taon ko sa industriya, nagkaroon ako ng baby, si Sylvio. So, napakalaking blessing po para sa akin."
Sa concert ay may production number siya na medley of songs ng kanyang mga paboritong diva.

“Bale, ako po talaga ang nakaisip noon kasi gusto ko talagang magkaroon ng isang production number na kakantahin ko ‘yung mga pinasikat na kanta ng mga idolo ko. (Sina) Regine, Miss Jaya, Miss Zsa Zsa (Padilla) and of course, si Ma’m Sharon Cuneta.”
Spotted sa concert ni Angeline si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano and her family, si Mommy Rosario ni Vice Ganda at ang kanyang sister na si Dr. Tina Viceral.
Ilang beses na rin kaming nakapanood ng concert ni Angeline. But this time, ibang level ang quality ng voice niya. Mas nag-improve at lumawak ang range ng kanyang boses.
Mas lumaki pa ang confidence niya on stage at napakahusay na rin niyang um-adlib sa show.
Kuhang-kuha niya ang kiliti ng kanyang audience at bentang-benta ang kanyang mga jokes, ha?
Ang galing ng nakaisip sa pagbalasa ng sequence ng show, instead of the usual na nagpe-perform ang lead artist sa concert from start to finish.
Sa 10Q, paglabas ni Angeline sa opening number, lumitaw na lang ulit siya pagkatapos ng production number at solo spots ng special guests sa show na sina Bugoy Drilon, Daryl Ong at Michael Pangilinan, collectively known as BuDaKhel.
Bongga rin ang lighting ng stage, ang malaking LED sa center ng stage at nakapalibot sa gilid ng buong stage. Fabulous din ang makukulay na designs sa LED.
Siyempre, kinanta ni Angeline ang kanyang signature song sa concert, ang Patuloy ang Pangarap with Sam Mangubat and bagong Idol Philippines winner na si Khimo Gumatay.
“In fairness kasi kay Khimo at kay Sam, mabait sila, very humble. So, nakakasama ko sila sa A.S.A.P.. So, ngayon, isa sa mga nag-aalaga sa kanila, bale parang nanay-nanayan ko rin. So, ako ‘yung nagtanong, ‘Ate, puwede ko bang invite sina Sam at Khimo na maging guests ko sa 10Q? Parang nakikita ko ang sarili ko sa kanila kasi galing din ako sa contest. Tapos ngayon, kilala na rin sila. So, parang perfect ‘yung Patuloy ang Pangarap para sa amin.”
After her 10th year in the business, nagpapasalamat din si Angeline na nabigyan siya ng chance na maging mentor sa bagong reality-talent show ng ABS-CBN, ang Dream Maker.
“Sana, abangan ninyo ‘yun. And next year, marami pa pong shows ang magagawa namin na 10Q na concert. Actually, 11 years na nga. Ay, 12th year na next year. Siguro, mga 12 shows na, hehe!
Kung ilang taon na ako sa showbiz, ganoon din karami ang shows ng 10Q,” natutuwang sabi pa ni Angeline.




Comments