Pareho raw sila ng misis na si Jennylyn… DENNIS, AYAW NG KAAWAY, ‘DI NAG-ENDORSO NG PULITIKO
- BULGAR

- May 9
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 9, 2025
Beautederm baby na rin ngayon ang magaling na aktor na si Dennis Trillo!
Ginanap kahapon ang official launch at contract signing ni Dennis bilang ambassador ng Belle Dolls by Beautederm ni Ms. Rhea Anicoche-Tan sa Solaire Resort North, QC.
Feeling loved naman si Dennis sa mainit na pag-welcome sa kanya ng mga Beautederm babies na bukod sa kanyang misis na si Jennylyn Mercado, bumati rin sina Maja Salvador, Sylvia Sanchez, Lorna Tolentino, Kakai Bautista, Sofia Pablo, Shaira Diaz, EA Guzman at marami pang iba.
Marami ang nagulat na napapayag na rin si Dennis na maging ambassador ng beauty product dahil sabi ng misis niyang si Jennylyn noon, hindi vain ang aktor at walang hilig magpahid-pahid sa mukha.
Pero dahil nagmo-motor ang mag-asawa, naengganyo na rin ni Jen si Dennis na gumamit ng Cristaux serum at Belle Dolls Zero Filter Sunscreen na ginagamit niya para ‘di masira ang skin nila sa sobrang init ng araw kapag nagra-rides sila.
At bilang celebrity nga si Dennis, alam niyang responsibilidad din niyang alagaan ang kanyang looks.
Biniro nga namin ito na dahil mas pumogi siya ngayon, baka dumami na naman ang tuksong lumapit sa kanya.
Natawa lang ito at ang sagot, hindi naman daw talaga nawawala ang tukso pero mature na raw silang pareho ni Jennylyn para pag-awayan pa ang mga ganitong bagay.
Very vocal din si Dennis na ang birthday wish niya sa May 12 ay lagi lang maging buo ang kanilang pamilya, kaya for sure, hindi ito gagawa ng dahilan para ikasira ng pamilya nila ni Jen kahit ilang tukso pa ang lumapit sa kanya.
Samantala, tinanong namin si Dennis kung may mga pulitiko rin bang lumapit sa kanila ni Jennylyn para magpaendorso this midterm elections. Very open na kasi ang mga artista ngayon sa pagpapahayag ng kanilang mga sinusuportahang kandidato at ikinakampanya pa.
Sagot ng aktor, napag-usapan nila ni Jennylyn na gusto nila ay tahimik lang at ayaw nila na may mang-aaway sa kanila dahil sa pagsuporta nila sa mga pulitiko o dahil may pinapanigan sila, kaya mas pinili nilang maging neutral na lang para tahimik ang buhay.
In fairness, may punto naman talaga siya ru’n, kaya siguro kahit ilang milyones pa ang alok sa kanila para mag-endorso ng pulitiko ay tinanggihan nila.
Anyway, sobrang happy naman ni Ma’m Rhea Tan na finally ay Beautederm ambassador na nga rin si Dennis na aniya ay napakabait at napaka-humble tulad ng asawa nitong si Jennylyn na totoong tao at sobrang sweet daw kaya mahal na mahal niya ang mag-asawa.
Tiyak na magiging malaking tulong si Dennis para makabenta ng maraming products ang Beautederm at Belle Dolls dahil sabi nga ng mga lalaking kasamahan namin sa media, gusto nilang maging kasingguwapo ni Dennis Trillo na at the age of 43, mukhang bagets pa rin at fresh na fresh!
FIRST time naming nakita si Ria Atayde matapos itong manganak sa first baby nila ni Zanjoe Marudo sa premiere night ng Nathan Studios Mother’s Day offering na Picnic na palabas na ngayon sa mga sinehan.
Korean movie ang Picnic pero dahil gusto ni Ms. Sylvia Sanchez na mother dear ni Ria at siyang punong-abala sa Nathan Studios Productions na mas maging appealing ito sa mga Pinoy viewers ay nagdesisyon silang i-dub ito in Tagalog at kinuha nga nila para mag-dub sa mga boses ng mga bida sina Ms. Nova Villa, Ms. Ces Quesada, Bodjie Pascua, Fyang Smith at JM Ibarra.
Ani Ria nang makausap namin sa premiere, kahit naman nu’ng buntis siya ay gumagalaw siya bilang producer ng Nathan. Pero sa ngayon, dahil maliit pa ang baby nila ni Zanjoe, okay muna na itong kanilang business venture ang tutukan niya dahil hindi pa rin siya handang magbalik-acting since maliit pa nga ang anak nila.
Pero kapag may dumating naman daw na magandang project ay willing siyang umarte uli. ‘Yun lang, hindi sila puwedeng magsama ni Zanjoe sa isang project dahil walang magbabantay sa kanilang anak. Hands-on pa naman ang mag-asawa sa pag-aalaga rito kaya dapat, hindi sila sabay magtatrabaho.
Anyway, ang daming na-touched sa magandang kuwento ng Picnic na sakto talagang panoorin ng buong pamilya ngayong Mother’s Day dahil ang daming mare-realize rito lalo na ng mga anak na walang pagpapahalaga sa kanilang mga magulang.
Sabi nga ni Ms. Sylvia, kung sa Korean version ay 5 times siyang umiyak, nang i-tagalize nila ito, mas matindi ang suntok sa puso ng mga linyahan at eksena ng Picnic na tiyak na hahaplos din sa puso ng mga Pinoy viewers.
Kaya sa mga anak na gustong i-treat ang kanilang parents this Mother’s Day, sabay na kayong manood ng Picnic sa mga sinehan at for sure, magiging very memorable ang inyong bonding moment.










Comments