ABS-CBN, laglag na dahil sa pera… COCO, 2 BESES NANG NAKIPAGMITING SA MGA EXECS NG TV5
- BULGAR
- 4 minutes ago
- 3 min read
ni Ambet Nabus @Let's See | December 6, 2025

Photo: IG _cocomartin_ph
Pagkatapos ngang pag-usapan ang ginawang pagdedemanda ni Kim Chiu sa kanyang ate nang dahil sa pera, heto nga’t pera rin ang rason kung bakit ‘kinansela’ ng TV5 ang kasunduan nila sa ABS-CBN.
Kung pagbabasehan ang mga official statements na kapwa inilabas ng parehong network, mas marami ang nagsasabing higit na malinaw, klaro at direkta ang mga punto ng Kapatid Network kung bakit nila need na kanselahin ang kontrata with Kapamilya shows na Batang Quiapo (BQ) at ASAP.
Kumpara raw sa tila pa-victim na emote ng Kapamilya statement, parang nagsusumbong pa raw ang awrahan nitong ‘hirap’ silang hagilapin sa takdang panahon ang ‘financial obligation’ nila sa Kapatid Network.
Hmmm… may nabalitaan kaming tsika last month na nakakadalawang meetings na diumano si Coco Martin sa ilang matataas na tao mula sa TV5. May nagtsismis pa ngang diumano’y posibleng makipag-collab ito o magpa-manage na rin daw sa mga kanegosyo from Kapatid camp.
May koneksiyon nga kaya ang nasabing tsismis sa nangyayari ngayon sa TV5 at ABS-CBN, lalo’t isa nga ang BQ at si Coco Martin sa maituturing na flag bearer at artist ng Kapamilya Network?
Malalaman natin ‘yan soon!
MIXED reactions naman ang ilang mga kapatid sa entertainment media sa ginawang ‘pakulo’ ni Emilio Daez sa mediacon ng Bar Boys 2: After School (BB2AS).
Habang nag-e-enjoy kasi sa dinner ang halos lahat ng media friends ay may aide o assistant si Emilio na naglilibot sa bawat table at nag-abot ng ‘ampaw’ al-Chinese tradition.
Masaya naman ang lahat siyempre lalo't ‘ampaw’ means gift. Tamang-tama na magpa-Pasko plus nasa mediacon pa.
But to the surprise of all, play money na may picture ni Emilio plus small sticker ang laman. Pero very witty ang pagkakagawa dahil nag-uumapaw na ‘Emilion peso from the Republika ng Familio’ ang caption nito. Naaliw kami at ‘yung ibang nakatanggap.
Pero may iba ngang nagsabing nabudol sila dahil first time raw nilang makatanggap ng ganoon in an ‘ampaw’. Hindi raw nila nakuha ang gist o humor ng gift.
Well, first timer sa showbiz ang guwapong aktor na first time ring lalabas sa movie. Pagbigyan na ninyo dahil mukhang may ibubuga naman ito sa pag-arte lalo’t 9 times yata siyang pinaiyak sa mga eksena niya sa movie as per Direk Kip Oebanda.
Bukod kay Emilio, ang mga baguhang sina Will Ashley, Bryce Eusebio, Benedix Ramos, with its original cast members Carlo Aquino, Kean Cipriano, Enzo Pineda at Rocco Nacino ang mga bumibida sa Bar Boys 2: After School. Official entry ito sa Metro Manila Film Festival (MMFF) this December 25.
VERY impressive ang trailer ng A Werewolf Boy (AWB) ni Direk Crisanto Aquino.
Ito nga ‘yung launching movie ng tandem nina Rabin Angeles at Angela Muji na susugalan ng Viva Films.
Sumikat sa Viva One ang tambalan ng RabGel at dito nga sa AWB ay mahuhusgahan kung keri nilang dalhin sa widescreen ang malakas nilang tandem.
We want to believe na kering-keri kung ang pagbabasehan ay ang umaabot na sa nearly 20 million views ng movie trailer sa socmed (social media). Hindi pa nga ‘yun full trailer na maituturing, huh?
Kilala naming mahusay si Direk Cris at matalino ang mga shots niya. Kaya naman ‘yung husay sa pag-arte na nakita namin kina Angela at Rabin ay halos naging given na.
Mahirap ang role ng aktor lalo’t may mga transformation siya rito bilang batang lobo. ‘Yung kilig naman nila ni Angela Muji is another thing, kaya’t mukhang may namina na namang mga young artists sina Boss Vic del Rosario Jr. at Viva peeps.




