Pareho na raw happy… MARKUS, UMAMING MAG-IISANG TAON NA SILANG HIWALAY NI JANELLA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | September 11, 2022

Habang isinusulat namin ang balitang ito ay kasalukuyang nasa Narvacan, Ilocos Sur si Markus Paterson na hindi naman binanggit kung may shooting o taping siya o baka namasyal lang.
Base kasi sa kanyang Instagram stories ay bumiyahe siya nitong Biyernes nang gabi na naka-motor lang at Sabado nang tanghali naman nakarating sa resort na base sa kanyang location ay Sulvec, Ilocos Sur, Philippines.
May post din ang aktor na naka-video call sila ng anak na si Jude at nakalagay ang "Miss you."
Samantala, kamakailan ay kaliwa’t kanan ang pamba-bash kay Markus dahil sa sinabi niyang “Never to fu*king date someone in the industry!”
Ito raw kasi ang natutunan niya sa pakikipagrelasyon niya sa taga-showbiz at nasambit niya ito sa podcast ng Boys After Dark kasama ang mga co-actors na sina Anthony Jennings, Jae Miranda, Gello Marquez at Aljon Mendoza.
Kinlaro na ito ni Markus na hindi ang nanay ng anak niyang si Baby Jude na si Janella Salvador ang pinatutungkulan niya sa pahayag niyang ito dahil matagal na pala silang hiwalay.
Ayon sa post ng aktor sa IG Stories niya, “Just to clear up the facts, me and Janella have been broken up for almost a year. She’s happy in life, and I’m happy in life and our only priority is Jude.
“What I said in the podcast wasn’t actually about her, but I understand that it was open to misinterpretation because of the way I phrased it and since we never actually announced our breakup.”
Hayan, pagkatapos umamin ni Janella na single mom na siya ay heto at sinundan naman ni Markus na halos isang taon na silang hiwalay.
Ang tanong, nagkaroon ba ng dyowang taga-showbiz si Markus after Janella?
Nakausap namin ang aming source na may alam sa naka-date ng aktor.
“Actually, hindi malinaw kung sila, o baka fling lang kasi malungkot pareho? Marami naman ang nakakitang magkasama sina Markus at ‘yung girl pero wait na lang natin kung aaminin niya kasi kumplikado ang sitwasyon,” pagtatapat ng aming source.
Anyway, naalala tuloy namin ang panayam kay Janella ni Ogie Diaz sa YouTube channel nito noong Pebrero, 2022 na binanggit nitong mahilig ngang uminom si Markus kasi bata pa at naiintindihan niya 'yun. Ito na kaya ‘yung panahong wala na sila?
Bukas ang BULGAR sa panig nina Janella at Markus.





Comments