Parang nakawala sa hawla ang mga kubrador ng STL-con jueteng
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 25, 2021
MGA KUBRADOR NG STL-CON JUETENG, PARANG MGA NAKAWALA SA HAWLA—Hindi lang pami-pamilya ang naglalabasan ng bahay para mamili at mamasyal sa malls, kundi pati ang mga kubrador ng STL (small-town-lottery)-con jueteng ay naglabasan na rin para magbahay-bahay at magpataya ng sugal sa mga residente ng Parañaque City, Taguig City, Muntinlupa City, Pasay City, Makati City at Las Piñas City.
Nakupo, baka dahil d’yan ay magkatotoo ang babala ni Usec. Ma. Rosario Vergeire, spokesperson ng DOH (Dept. of Health) na bago matapos ang 2021 ay papalo sa mahigit 27-K Pinoy ang tatamaan ng COVID-19 sa bansa, ‘susmaryosep!
◘◘◘
IMBES NA DOKTOR ANG IBOTO, TRAPO ANG IBOBOTO NG MGA “BOBO-TANTE”—Nakalulungkot ang mga nangyayari sa Pilipinas sa panahon ng pandemya at eleksiyon.
Isipin n’yo, palpak sa laban sa COVID-19 ang head ng DOH na si Sec. Francisco Duque kung kaya’t maraming Pinoy ang namatay sa virus, at ngayong may naglakas-loob na doktor, si Dr. Ong na sumabak sa pulitika, kumandidato sa pagka-VP para sakaling palarin ay makatulong sa paglaban sa COVID-19 para mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan laban sa COVID, tapos ‘yung mga “bobo-tante”, trapo ang type iboto, mga buwisit!
◘◘◘
P5.10-B ANG UTANG NA BUWIS NG PHARMALLY, TAPOS BARYA LANG ANG IBINAYAD—Base sa isinagawang kuwentada ng mga CPA (Certified Public Accountant) at tax lawyers, ang dapat bayarang buwis sa 2020 sa pamahalaan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation ay higit P5.1-B. Napakawalanghiya talaga ng mga taga-Pharmally kasi mantakin n’yo, P5.1-B ang kanilang utang tapos ang binayarang lang ng magkapatid na executives ng kompanyang ito ay kakarampot, si Mohit Dargani ay P97,421 lang habang si Twinkle Dargani ay P1-K lang ang binayarang tax last year, mga pwe!





Comments