Parang mga bata o tumatandang paurong?
- BULGAR
- Jul 6, 2024
- 3 min read
Updated: Jul 9, 2024
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 6, 2024

May kasabihan o babala na baka “tumatanda ang isang tao ng paurong.” Paurong tungo saan? Hindi ba’t habang tumatanda tayo, lumalawak ang pananaw at lumalalim ang kaalaman? Ngunit ito ba ang nangyayari sa lahat?
Sa mga nagdaang araw, nabibigla ang marami dahil sa mga nangyayari sa Senado. Matagal at luma na ang mga biro tungkol sa ilang senador na kagulat-gulat ang mga inaasta at sinasabi sa mga Senate hearing. “Naturingan lang senador ay maaari nang sabihin at iasta ang magustuhan!” Ito ang karaniwang maririnig sa mga mamamayan. Sabagay, matagal nang nawawala ang ilang kaugalian at katangian ng isang senador tulad ng “delicadeza” at ang pagiging kagalang-galang na “estadista” (statesman). At kung ang senador ay isang estadista tiyak na meron itong delicadeza at higit pa.
Noong mga nakaraang araw napanood sa telebisyon ang bangayan ng dalawang senador na nabibilang sa mga kilalang dinastiya sa kani-kanilang balwarte. Ang isa ay mula sa Makati at ang pangalawa ay galing sa Taguig. Alam ng lahat ang matinding alitan ng dalawang pamilya dahil sa desisyon ng Korte Suprema na kumatig at ipagkaloob ang mga barangay na matagal nang nabibilang umano sa kalapit na distrito (ng kabilang pamilya).
Nagbitiw ng maaanghang na pananalita tungkol sa kapwa senador sa pormal na Senate hearing hinggil sa nakakalulang budget para sa pagtatayo ng bagong gusali ng Senado.
Salamat na lang at merong ibang senador na hindi inaaksaya ang kaban ng bayan sa kani-kanilang hidwaang personal bagkus ay isinusulong ang pangkalahatang interes.
Gayundin, salamat kay Atty. Chel Diokno sa pagpapaliwanag sa iskandalo ng panukalang magtayo ng bagong gusali ng Senado.
Salamat din kina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Sherwin Gatchalian sa masusing pag-iimbestiga sa tunay na pagkatao at pinanggalingan ni Mayor Alice Guo at ang kaugnayan niya sa illegal POGO.
Talaga bang nalulugi ang bansa kaya kailangang magpatayo ng bagong gusali? Binabayaran ang GSIS sa paggamit ng kanilang gusali sa kung anong halaga taun-taon. Lugi ba roon, samantalang nagbabayad ang gobyerno din? Sino ba ang kontraktor ng ipinatatayong bagong gusali ng Senado?
At dahil nalalapit na ang Oktubre, ang pagsusumite ng pagtakbo para sa 2025 midterm election hindi na napigilan ang isang kilalang makapangyarihang pamilya na ipahayag ang kanilang intensyon na tumakbo sa Senado, ito ay tatay at dalawang anak. Ang galing-galing ‘di ba?
Sabagay meron nang mag-ina at dalawang magkapatid sa Senado. Alam din naman ng lahat na magpinsan ang namumuno sa Kamara at ang pangulo ng bansa. Bahala na ang Comelec at abangan natin.
Mabuti na lang at sa kabila ng pagiging “appointee” ng karamihan sa Korte Suprema, tila nagbabago na ang pananalita ng mga nasa pinakamataas na hukuman ng bansa.
Lubhang maselan ang usapin ng West Philippine Sea, kaya huwag na sanang isipin ng mga nasa itaas ang kani-kanilang interes kundi ang kapakanan ng lahat. Isantabi muna natin ang mga personal at pangpamilyang interes. Puwede bang mag-isip ang matatanda o mag-mature naman ang karamihan ng ating mga pinuno? Maaari bang itigil na ang mga larong bata at maging malawak naman ang pag-iisip habang lakihan din ang puso para bigyang-puwang ang nakararami higit sa pamilya at sarili?
Walang imposible sa Diyos sa tunay at taimtim na panalangin. Sana mahal naming Ama, turuan at baguhin ninyo ang mga namumuno sa amin. Maselan na ang sitwasyon sa loob, labas at paligid ng bansa. Kailangan ang tunay na karunungan at kahinahunan ng mga nakatatanda at nakauunawa na handang ipaglaban at itaguyod ang kapakanan ng lahat.
Comentários